ALLIANCE NEWS
Agosto 07, 2011
BINATIKOS ANG PAHAYAG NI AQUINO III
Los Angeles--Ayon sa grupong tagapamalita ng ALLIANCE NEWS na nakabase sa Los Angeles, Ipinahayag ngayon ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas na pawang kasinungalingan at panakip-butas ang laman ng talumpati ni Benigno Aquino III sa pagbubukas ng reaksyunaryong kongreso noong Hulyo 25.
Pilit niyang pinalalabas na gumaganda na ang kalagayan ng bansa at patuloy ang mga pagbabago. Tinangka niyang ibalik ang tiwala ng mamamayan sa reaksyunaryong gubyerno. Pero sa desperasyon niyang takpan ang katotohanan, lalo lamang niyang ihiniwalay ang kanyang rehimen sa mamamayan.
Dinagdagan lamang ni Aquino ang kawalan ng tiwala at pag-asa ng bayan sa naghaharing sistema.
Panay Ilusyon
Gusto ni Aquino na likhain ang ilusyon ng pagbabago at pagsulong sa ilalim ng kanyang rehimen. Pero walang silbi ito sa mamamayan na araw-araw ay lugmok sa lumalalang kahirapan. Walang awat ang pagdurusa nila sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ng pagkain at iba pang bilihin.
Laganap ang disempleyo at mababa ang sahod. Nangangabulok ang mga pampublikong ospital at paaralan. Milyun-milyong pamilya ang walang disenteng tirahan. Laganap ang sakit, pagkawasak ng kalikasan at samutsaring mga suliraning panlipunan at pangkabuhayan.
Binuhay ni Aquino ang pagbira niya sa korapsyon ng nagdaang rehimeng Arroyo sa layuning muling makuha ang suporta ng bayan at paasahin silang may magbabago sa ilalim ng kanyang paghahari. Subalit hindi niya mapagtakpan na matapos ang isang taon ay nabigo siyang kasuhan, litisin at parusahan si Gloria Arroyo at ang mga kasabwat niya sa malalaking kaso ng pandarambong at korapsyon. Ang paglitaw naman ng “Kamag-anak, Kaklase, Kabarkada, Kabarilan, Inc.” ay naglalantad sa nagpapatuloy na sistema ng kronyismo.
Pinalalabas ni Aquino na sumusulong ang ekonomya batay lamang sa upinyon ng gubyernong US at ng mga dayuhang ahensya sa credit rating (paggagrado sa tiwala sa pagpapautang). Subalit tahimik na tahimik siya tungkol sa kalunus-lunos na kalagayan ng mayorya ng mga manggagawa, magsasaka, karaniwang empleyado, tauhan ng gubyerno at mga walang hanapbuhay.
Isang milyong trabaho raw ang nalikha noong nakaraang taon. Subalit hindi niya sinabi kung papaano iyon nalikha. Hindi niya binanggit na mahigit isang milyong mamamayan din ang nadagdag sa pwersa ng paggawa noong nakaraang taon. Na araw-araw ay sinisipa sa kanilang mga trabaho ang mga manggagawa matapos ang kanilang tatlong-buwang mga kontrata. Wala pa rin siyang plano para malawakang lumikha ng empleyo sa mahigit nang 11 milyong wala o kulang ang trabaho.
Tagasunod lamang ng IMF ang mga upisyal sa ekonomya ni Aquino. Tumatangging tugunan ng mga ito ang iginigiit ng mga lokal na industriya at manupaktura na palakasin ang lokal na produksyon at merkado at bawasan ang pagsalalay sa mga dayuhang kalakal. Nagmamatigas ang mga ito na ituloy ang mga pinaglumaan nang patakarang nagtataguyod sa liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan, pribatisasyon ng mga pag-aari ng estado at deregulasyon ng operasyon ng mga dayuhang pribadong mamumuhunan.
Nitong nakaraang dalawang dekada, nagiba na halos lahat ng probisyon ng konstitusyon ng 1987 na pumapatungkol sa pangangalaga ng pambansang patrimonya. Kung matuloy ang dati nang mga balak na pagbabago sa konstitusyon, tiyak na malulubos na ang panibagong kolonisasyon ng ekonomya ng Pilipinas.
Ipinagmalaki ni Aquino ang paglago ng produksyon ng palay, kahit pa ang katotohana’y ibinunsod lamang iyon ng pagbawi sa lupang natuyuan noong nagdaang taon. Walang pagbabago sa produktibidad ng lupa. Nabawasan daw ang importasyon ng bigas subalit hindi naman inutusan ang NFA na paramihin ang binibiling palay sa mga magsasaka upang baklasin ang monopolyo rito ng malalaking negosyanteng komprador kasabwat ang malalaking burukrata. Patuloy pa rin siyang nagbibingi-bingihan sa sigaw para sa tunay na reporma sa lupa sa Hacienda Luisita na pag-aari ng kanilang angkan.
Walang maipagmalaki si Aquino na solusyon sa kahirapan kundi ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa pagtanggap ng limos na ilanlibong piso kada buwan, ang tinaguriang “pinakamahihirap” na pamilya ay pinapaniwalang makaaahon sila sa kahirapan nang hindi nilulutas ang saligang mga suliranin ng kawalan ng lupa, malawakang disempleyo at iba pang ugat ng kanilang pagdarahop.
Walang tugon si Aquino sa mga pundamental at maiinit na usaping inihahapag ng mamamayan. Iginigiit ng bayan ang trabaho, dagdag sahod, reporma sa lupa at pagrespeto sa karapatang-tao. Sigaw nila ang pagwawakas sa pagtaas sa presyo ng langis at nasyunalisasyon ng industriya ng langis. Sigaw nilang wakasan ang demolisyon ng mga bahay ng mga maralitang lunsod. Sigaw nilang wakasan ang panghihimasok militar ng US sa Pilipinas at ang pakikialam nito sa problema sa Spratly Islands.
Walang kapayapaan
Hindi tinukoy ni Aquino na prayoridad ang usapang pangkapayapaan ng kanyang gubyerno at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Hindi pa rin niya tinutupad ang pangakong palalayain ang lahat ng konsultant ng NDFP sa usapan. Labintatlo sa kanila ang nananatiling nakapiit. Nagpapakakupad ito sa usapang pangkapayapaan, pero paspas naman ang mga operasyon ng mga pasistang tropa nito sa kanayunan. Kaliwa’t kanan ang mga paglabag sa karapatang-tao sa isinasagawa nitong “peace and development operations.”
Ang “state of the nation address” ni Aquino ay reaksyunaryo, maka-imperyalista at anti-mamamayang talumpating puno ng kasinungalingan at panlilinlang. Desperado itong pagdulog sa bayan na magtiwala sa bulok at lugmok-sa-krisis na malakolonyal at malapyudal na sistema.
Subalit maling-mali si Aquino at ang kanyang mga gabay na Amerikano sa pag-aakalang maililigaw nila ang mamamayan mula sa landas ng rebolusyonaryong paglaban sa pamamagitan ng gayong mga hungkag na deklarasyon at mga gimik sa pulitika.
Sa harap ng lumalalang kahirapan at kaapihan, lalong namumulat ang mamamayang Pilipino sa pangangailangang isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka na siyang tanging tuwid na daan tungo sa pambansa at panlipunang paglaya. Pinatutunayan ito ng patuloy na paglaki at paglakas ng Bagong Hukbong Bayan at ng pag-igting ng mga pakikibakang masa sa unang taon ng rehimeng US-Aquino.
*************