Editoryal
Gloria Arroyo--tuta na, manhid pa
Manila- Kasuka-suka at kasuklam-suklam ang ipinakitang sukdulang pagpapakatuta ni Gloria Arroyo sa kanyang imperyalistang amo nang bumisita siya sa US nitong huling linggo ng Hunyo.
Sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong "Frank" sa Pilipinas, nilustay ni Arroyo ang kabang-yaman ng bayan sa walang kapararakan, magastos at magarbong pagbyahe. Malawakang galit at kaliwa't kanang batikos ang inudyok ng labis niyang pagwawalambahala sa kapakanan ng nagdurusang mamamayang Pilipino.
Sinikap pigain ni Arroyo ang anumang makakatas pa mula sa pakikipagkita niya sa kanyang among si George W. Bush na tulad niya'y nasa dapithapon na ang kapangyarihan.
Nag-abuloy ang kanyang amo ng kakarampot na $100,000 at ipinadala ang nukleyar na barko-de-gerang USS Ronald Reagan bilang tulong umano ng US sa mga biktima ng bagyong "Frank" at paglubog ng pampasaherong barkong MV Princess of the Stars.
Pagsisipsip sa mga pulitikong Ameri9kano
Ngunit ang higit pang pinuntirya ni Arroyo sa pagpunta sa US ay ang maagang paglalangis sa dalawang pangunahing kandidato sa eleksyong presidensyal doon ngayong taon--sina John McCain ng Republican Party ni Bush at Barack Obama ng oposisyong Democratic Party. Sa pilit na paghahabol na mapaunlakan siya ng mga ito, animo'y langaw si Arroyo na sunod nang sunod kung saan may naaamoy na pagkain.
Samantala, sige naman ang iwas ng dalawang kandidato sa kanya. Bandang huli ay pinaunlakan na lamang siya ng sulat at maigsing tawag sa telepono ni Obama at saglit na pakikipagkita ni McCain.
Sa Nobyembre pa ang eleksyong presidensyal sa US, pero ngayon pa lamang ay humihimod na si Arroyo sa puwit ng mga pangunahing kandidato roon para makatiyak na siya sa suporta ng sinumang mananalo sa kanila. Umaasa si Arroyo na susu-portahan ng mga ito ang kanyang pagkapit sa poder lagpas pa sa 2010.
Karangyaan sa gitna ng kahirapan
Habang nagliliwaliw at naglulustay ng yaman ng bansa sa US, sinasalanta ng bagyong "Frank" ang milyun-milyong mamamayan at buong lupit na humahagupit ang krisis sa ekonomya. Manhid siya sa matindi at malawakang puna ng mamamayan sa ginastos na mahigit $1.5 milyon (katumbas ng P65 milyon) sa byahe.
Bitbit niya ang kanyang buong pamilya--mga anak, manugang, apo at yaya nila, at mahigit 70 alipures--10 kalihim ng gabinete, 59 kongresista, isang senador, kasama ang mga asawa nila at marami pang mga alalay. Walang alintanang nagpakasasa sila roon sa mga mamahaling hotel, restoran, eksklusibong jet at mamahaling kotseng de-tsuper.
Umupa pa sina Arroyo ng mamahaling mga kumpanyang public relations para magpaganda ng imahe habang naroroon.
Balak pa nga sana ni Arroyo mismo na sumama sa mga alipures niya hanggang Las Vegas, Nevada para manood roon ng boksing, kung hindi lamang siya napigilan ng antimano'y pag-ulan na ng mga batikos.
Pakitang Gilas at mga Palabas ni GMA
Para magmukha pa ring may pagmamalasakit at may ginagawa siya para sa mga biktima ng bagyo at pagkalunod ng barko, kunwa'y siya pa rin ang nangangasiwa sa gawaing relief sa pamamagitan ng pakikipagpulong sa kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng telepono. Nagpakitang-gilas pa siya sa harap ng masmidya nang pagsasabunin niya ang kanyang mga nakabababang upisyal.
Ang mga ito'y pawang mga palabas na lamang ni Gloria Arroyo para mapagtakpan ang katotohanan--na siya'y sagad-sagarang papet ng imperyalismong US at puno ng katiwalian, kapalaluan at kabulukan.
Kitang-kita ng buong bayan na wala siyang ibang interes kundi ang mangayupapa sa imperyalistang amo, tiyakin ang suporta nito sa kanya, magpakasasa sa katas ng pagsasamantala nila sa bayan at patuloy na apihin ang mamamayan, habang buong lupit na nagwawalambahala at nagpapasahol pa sa paghihirap at pagdurusa ng sambayanang Pilipino.
********
Hinalaw sa pahayagang Ang Bayan, July 7, 2008