Kaso ng Masaker Sa Sulu Isasampa ng SBM at MILF sa UN
Los Angeles-- Isasampa ng Suara Bangsamoro o Suara at ng Moro Islamic Liberation Front sa United Nations Human Rights Council ang karumal-dumal na masaker ng mg elemento ng Special Warfare Group ng Philippine Navy at Light Reaction Company ng Philippine Army sa walong sibilyan sa Ipil, Maimbung, Sulu noong madaling araw ng Pebrero 4. Ito'y matapos absweltuhin ng AFP ang mga sundalong responsable sa masaker.
Ayon kay Amira Lidasan, pambansang pangulo ng Suara, hindi kapani-paniwala ang resulta ng imbestigasyon ng AFP na nagsasaad na may nangyaring labanan sa pagitan ng militar at mga elemento ng Abu Sayyaf.
Wala pa mang imbestigasyon ay idineklara na dati ng AFP na pawang mga elemento o tagakanlong ng Abu Sayyaf ang mga biktima. Inulit lamang ito ng AFP nang ianunsyo nitong Pebrero 28 ng Judge Advocate General's Office ng Western Mindanao Command ang pagkaabswelto ng mga sangkot na sundalo matapos ang sariling imbestigasyong ginawa umano ng militar.
Nauna nang nag-imbestiga ang Commission on Human Rights (CHR) at sinabi nitong walang totoong labanang naganap sa Maimbung at walang kahit isang elemento ng Abu Sayyaf sa mga biktima. Ayon sa CHR, sinalakay ng mga tropa ang islang baryo ng Maimbung at pinagbabaril ang mga residente sa kabila ng kanilang pagmamakaawa at pagsasabi na mga sibilyan sila.
Ang dalawang sundalong namatay at limang nasugatan sa insidente ay resulta ng misencounter sa hanay ng mga elemento ng AFP, anang CHR.
Inulan ng matinding batikos ang makaisang panig na imbestigasyon ng AFP. Dahil dito, napilitan si Lt. Gen. Nelson Allaga, hepe ng Western Mindanao Command, na sabihin nitong Marso 2 na panimula pa lamang ang resulta ng kanilang imbestigasyon at hindi pa umuusad.