Pananalanta ng pasistang estado, Nagpapatuloy
Manila—Nagpapatuloy ang pasistang pananalanta ng AFP sa buong Pilipinas. Ayon sa ulat ng JLPP,walang puknat ang mga pamamaslang at iba pang abusong militar sa bansa.
Isang lider magsasaka ang pinaslang sa Masbate at isang lider kabataang Moro ang pinatay sa Zamboanga Sibugay nitong Enero.
Patuloy din ang harasment sa mga progresibo at panggigipit sa masang magsasaka sa kanayunan. Ayon pa rin sa ulat mula sa Pilipinas ay nagpapatuloy ang mga pagpataya mga lumalaban sa pamahalaan.
Enero 16. Dinukot at pinaslang ng mga elemento ng 5th Regional Mobile Group ng PNP si Teldo Rebamonte, 45, lider ng Masbate People’s Organization. Dinukot si Rebamonte noong Enero 12 at natagpuan ang kanyang bangkay na may mga palatandaan ng tortyur sa Barangay Nabasagan, Claveria, Masbate. Nakatakda sanang dumalo si Rebamonte sa paggunita sa Mendiola Massacre.
Enero 11. Mahigit 20 Dumagat mula sa Quezon ang pinwersa ng militar na magtreyning para sa Citizens Armed Forces Geographical Unit. Pagkaraan ng tatlong linggong pagsasanay, apat na Dumagat ang tumakas dahil pinilit silang gumawa ng mga bagay na labag sa kanilang kagustuhan. Sa takot na bweltahan sila ng militar, sapilitan silang lumikas. Dalawang pamilya ng Dumagat ang nasa Metro Manila ngayon para makaiwas sa harasment ng militar. Ipinatutupad ngayon ng AFP ang matitinding operasyong militar sa Quezon, isa sa mga prayoridad na erya ng Oplan Bantay Laya 2.
Enero 10. Iligal na inaresto ng mga pwersang militar at pulis sa Sta. Maria, Bulacan si Glicerio “Ka Choy” Pernia, lider ng PKP-BHB sa Albay at konsultant ng NDF Peace Panel. Ang pag-aresto kay Pernia ay labag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees. Iginiit ng NDF-Bicol ang agarang pagpapalaya kay Pernia sa batayang makatao dahil siya ay may altapresyon, sakit sa puso at sakit sa bato.
Enero 8. Pinatay ng gwardya ng isang plantasyon ng saging si Sahiron Banggot, 22, vice chairman ng Liga ng Kabataang Moro (LKM) at estudyante ng Bacalan National High School sa Zamboanga Sibugay. Myembrong organisasyon ng Suara Bangsamoro ang LKM. Si Banggot at ang kanyang kaibigang si Joe Enriquez, 22, ay papunta sana sa plantasyon ng Tambanan Agrarian Reform Beneficiary Multi-Purpose
Cooperative (TARBEMCO) nang pagbabarilin ng naturang gwardya. Pitong tama ng bala ang ikinamatay ng biktima. Si Enriquez naman ay ikinulong sa isang abandonadong silid sa isang gusali ng plantasyon at pinakawalan kinabukasan. Saka na lang nalaman ng mga magulang ni Banggot ang sinapit ng kanilang anak.
Disyembre 22, 2007. Wasak na kabahayan at paaralan, nagkalat na mga libro at gamit-paaralan, nawawalang mga alagang baboy at manok at naglahong suplay ng bigas. Ito ang nadatnan ng mahigit 2,000 bakwit mula sa 12 barangay ng Andap Valley, Lianga, Surigao del Sur apat na araw bago mag-Pasko. Walang ibang may kagagawan nito kundi ang militar, anila. Hindi sila naniwala sa pahayag ni Maj. Samuel Sagun, tagapagsalita ng 4th ID na nakabase sa Cagayan de Oro City, na mga gerilyang pwersa ng BHB ang responsable sa naturang pananalanta.
Disyembre 2007. Apat na lider-simbahan ng Iglesia Filipina Independiente ang nakatanggap ng banta sa kanilang buhay at mahigpit na minamanmanan ng mga berdugo ng rehimeng Arroyo. Ang apat ay sina Bishop Delfin Callao Jr. ng Davao City, Rev. Eleuterio Revollido ng Urdaneta City, Rev. Gilbert Garcia ng San Clemente, Tarlac at Rev. Antonio Ablon ng Cagayan de Oro City. Dagdag pa, ilang beses na pwersadong pinasok ng mga ahente ng militar ang kumbento ni Reverend Garcia. Sa kabila ng pag-uulat na ginawa ni Rev. Garcia tungkol sa naturang panloloob ay walang ginawa ang mga pulis. Nakatanggap din siya ng text message mula sa isang umaming pumatay kay Bishop Alberto Ramento noong Oktubre 2006 na nagsabing siya na ang isusunod. Myembro si Reverend Garcia, 25, ng Promotion of Church People’s Response. Noong siya’y estudyante pa, naging tagapangulo siya ng Seminarians on Transformation and Nationalism at Council of Seminarians.
Mga lider-manggagawa, biktima ng pamamaslang, harasment. Samantala, iniulat ni Anakpawis Rep. Crispin “Ka Bel” Beltran na 33 sa 144 kaso ng pamamaslang ng mga lider-unyon noong 2007 ay naganap sa Pilipinas. Naiulat din na nagkaroon sa bansa ng mahigit 800 kaso ng pambubugbog at tortyur ng mga lider-unyon at aktibista.
Ang naturang ulat ay nakapaloob sa 2007 Survey of Trade Union Rights Violations na ipinalabas ng International Trade Union Confederation. Isinampa ni Ka Bel ang House Resolution 299 noong Enero 6 na nananawagan sa House of Representatives Committee on Civil, Political and Human Rights at Committee on Labor and Employment na gumawa ng imbestigasyon sa naturang paglabag.
Iminungkahi rin ni Beltran na imbestigahan ang patuloy na pagmamanman, harasment at pagdukot ng mga elemento ng militar sa mga lider-unyon at tagasuporta ng karapatan ng mga manggagawa laluna sa Central Luzon. Kasama niyang nagsampa ng naturang resolusyon sina Bayan Muna Rep. Satur Ocampo at Teodoro Casiño at Gabriela Rep. Liza Maza at Luzviminda Ilagan.
Pamilya ng dinukot na mga Aeta, ginawaran ng writ of amparo. Inaprubahan ng korte nitong Enero 9 ang petisyon para sa writ of amparo na isinampa ng pamilya ng dalawang nawawalang Aeta. Alinsunod rito ay tinukoy ng pamilya ng mga biktima sina 2Lt. Ali Sumangil at isang Sergeant Villalobos bilang responsable sa pagdukot kina Nicolas Sanchez at pinsan nitong si Heherson Medina noong Setyembre 17, 2006 sa Capas, Tarlac.
Isinampa ang petisyon para sa writ of amparo ni Cleofas Sanchez, ina ni Nicolas Sanchez. Napag-alaman din sa pagdinig na ikinulong sina Sanchez at Medina sa Fort Magsaysay, Palayan City, Nueva Ecija at pinilit maging alila ng militar habang binabantayan ng mga tauhan ng Camp Bravo ng 71st IB sa loob ng Hacienda Luisita, Tarlac City. Inihayag ng isang testigo, si Josephine Victoria na nakita niya ang dalawa sa Camp Servillano Aquino ng Northern Luzon Command sa San Miguel, Tarlac.
Unang hiniling ni Sanchez sa Korte Suprema na bigyan sila ng permanenteng proteksyon at payagan silang inspeksyunin ang Camp Servillano Aquino at ang mga kampo ng 71st IB sa Tarlac, at Fort Magsaysay sa Palayan City, Nueva Ecija, kung saan pinaniniwalaang itinatago ng militar ang dalawang biktima. Kinatigan ng Korte Suprema ang kanyang petisyon at iniatas nito sa Court of Appeals na dinggin ang kaso.
*****************