MGA TAGUMPAY NG KILUSANG MAGBUBUKID SA PILIPINAS, DUMADAGUNDONG
Manila-- Ipinahayag ngayon ng rebolusyonaryong kilusang sa Pilipinas ang mga tagumpay ng pakikibakang agraryo ng mga magsasaka sa iba't ibang panig ng bansa.
Ayon sa pahayag sa internet ngayong Hunyo 22, 2007, sa kabila ng panggigipit at pandarahas n reaksyunaryong estado, tuluy-tuloy na umaan ng mga tagumpay sa mga pakikibaka niton nagdaang 20 taon ang masang magbubukid sa bansa
Mga Tagumpay sa Gitnang Luzon, Bicol at Hilagang Luzon
Kabilang sa pinakatampok ang tagumpay ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita noong 2004. Sa pamamagitan ng militanteng pakikibaka at paglulunsad ng malawakang welga, natamo ng masang magsasaka ang malawak na suporta at tagumpay sa kanilang paglaban sa stock distribution option bukod sa iba pang mga kahilingan, kabilang ang pagbabalik sa mga sinesanteng manggagawa ng Central Azucarera de Tarlac at pagtataas sa sahod nila at ng mga manggagawang bukid.
Sa San Jose del Monte, Bulacan, nanaig sa paggigiit na makapanatili at makapagsaka ang mahigit 109 magsasakang pamilya sa 311 ektaryang lupain. Naging matagumpay sila sa kabila ng paggamit ng dahas nina Gregorio Araneta at noo’y Rep. Manuel Villar noong 1999 upang mapatalsik sila sa mga lupang kanilang sinasaka.
Tagumpay namang nakapananatili sa kanilang lupain ang libu-libong magsasaka sa mga bayan ng Gabaldon, Guimba, Laur at Palayan City sa Nueva Ecija at sa inookupang lupa ng Fort Magsaysay Military Reservation.
Gayundin, dahil sa masikhay na paglaban ng mga magsasaka at mangingisda mula noong 2000, hindi sila napatalsik ng Fil-Estate at Manila Southcoast Development Corporation sa Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas.
Sa North Quezon naman, naipaglaban ng mga magsasaka na matanggal ang resikada ng kopra. (Ang resikada ay porsyentong arbitraryong kinakaltas ng mga komersyante sa presyo ng koprang di pa raw gaanong tuyo at gayo’y kailangan pang patuyuin uli.) Napataas naman ang arawang sahod ng mga manggagawang bukid sa Occidental Mindoro mula P60 tungong P100.
Napababa naman ng mga magsasaka sa Cagayan Valley ang interes sa usura mula 50-60 kilo ng mais o palay para sa bawat P1,000 tungong 25 kilo na lamang. Napataas naman nila ang presyo ng mais sa rehiyon mula P6.30 kada kilo tungong P7.00 kada kilo.
Patuloy din ang matinding ang paglaban ng mga magsasaka sa pangangamkam ng lupa ni Eduardo "Danding" Cojuangco. Kamakailan, nabigo ang tangka niyang patalsikin ang mga magsasaka sa Hacienda San Antonio at Sta. Isabel sa Isabela.
Sa ilang bahagi ng Ilocos, napababa ang resiko sa tabako mula 10% tungong 3.75% na lang. Matagumpay ding naibasura ng mga magsasaka ang sistemang sortido o ang klasipikasyon ng tabako base sa sinasabi ng mga kumprador na kalidad nito.
Dating pinapababa ng mga kumprador ang presyo ng tabako sa pagsasabing mababa ang kalidad ng produkto ng magsasaka gayong wala namang upisyal na sistema ng klasipikasyon ng tabako. Napataas din ang presyo ng kape mula P45 tungong P65 bawat balde, dahil na rin sa mga pagkilos ng mga magsasaka.
Sa Bicol naman, napataas ang presyo ng kopra mula P9.80 tungong P11.00 matapos ang mobilisasyon ng 3,000 magsasaka na pinangunahan ng Bicol Coconut Planter’s Association, Inc. (BCPAI) noong 2005 laban sa Cosay Oil Mills sa Pili, Camarines Sur.
Sumusulon Kilusang Magbubukid sa Visayas at Mindanao.
Patuloy namang nakapagsasaka ang mga pinatatalsik na magsasaka sa loob ng Negros Occidental Agricultural College sa Kabankalan City.
Gayundin ang 800 pamilyang magsasaka sa Central Mindanao University (CMU) sa Musuan, Bukidnon na hanggang ngayon ay nakapagsasaka sa mahigit 500 ektaryang lupain. Ito ay dahil sa kanilang sama-samang pagkikipaglaban para sa kanilang lupain sa CMU.
Sa Mindanao, napataas naman ang arawang sahod ng mga manggagawang-bukid mula P70 tungong P80 at napataas ang sahod ng mga tagapitas ng kalamansi mula P30 tungong P40 kada bag. Napigilan ng mga magsasaka ang plano ng may-ari ng lupa na gawin itong plantasyon ng palm tree. Napataas din ang presyo ng saging at abaka, gayundin ang sahod ng mga manggagawang bukid sa mga plantasyon ng tubo sa iba't ibang lugar sa Bukidnon.
*********