PILIPINAS: Eleksyong 2007: Bulok sa kaibuturan
( Paliwanag: Ipinahayag ngayon ng rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas ang kanilang pananaw hinggil sa nakaraang eleksyon. Inilalathala natin ang kanilang pagsusuri bilang isang malayang pagpapahayag sa mga nagaganap sa Pilipinas – Pesante-USA )
Naririto ang buong pahayag na nalathala at hinalaw mula sa pahayagan ng rebolusyonaryong kilusan mula sa internet.
Manila-- “ Ilang ulit na pinasahol ng naghaharing pangkating Arroyo ang bulok na sistema ng eleksyon sa Pilipinas. Labis-labis ang karahasan, pandaraya, panunuhol, maruruming maniobra at pambabraso sa eleksyon nitong Mayo. Isinagawa ito sa pamamagitan ng militar, pulis, mga tauhan sa Comelec at burukrasya. Lalong tumingkad ang kahungkagan ng sinasabing demokratikong eleksyon sa ilalim ng kasalukuyang reaksyunaryong sistema.
Pinakamatitingkad ang pandaraya ng kampong Arroyo sa Maguindanao, Sulu at Bohol kung saan nagkaroon ng halos 12-0 resulta ang eleksyon sa pagkasenador pabor sa administrasyon. Sinundan pa ito ng paglilitawan ng 12-0 pabor sa Team Unity sa ilampu pang mga munisipalidad na kontrolado ng mga alipures ni Arroyo.
Palaging ipinagmamalaki ng Team Unity ng Malacañang na ang boto sa Mindanao at Visayas ang magpapanalo sa kanila. Buo ang kumpyansa ng mga kasapakat ni Arroyo sapagkat nakapwesto pa rin ang mga mandarayang upisyal ng Comelec sa Mindanao na sangkot sa pandarayang "Hello Garci" ni Arroyo noong 2004. Sa Mindanao ginagawa ang pinakamalalaki, pinakalaganap at pinakagarapal na pandaraya.
Sa Maguindanao, tulad ng ibinunyag ng Moro Islamic Liberation Front, ni walang botohang naganap. Sa halip, mga election inspector na ang pumuno sa mga balota na pinatatakan lamang ng thumbmark ng mga bata. Gayundin ang nangyari sa Sulu.
Todo-todo rin ang pandaraya ng administrasyon sa ARMM, Lanao del Norte, Lanao del Sur at Zamboanga Sibugay. Sa mga lugar na ito, pare-parehong sulat-kamay ng iisa o iilang tao ang nasa mga balota at canvass ng mga boto.
Sa pamamagitan ng pandaraya sa Mindanao, kakayaning hilahin pababa ang tatlo hanggang apat na kandidato ng Genuine Opposition upang maisingit ang mga kandidato ng Team Unity.
Mismong ang Comelec ay ginamit sa pandaraya at manipulasyon ng eleksyon. Sa tulak ng Malacañang, ipinatigil ng Comelec ang ginagawang pag-uulat ng midya sa pagbibilang ng boto. Ito ay dahil sa maraming pagkakataon ay naipararating agad sa publiko ang resulta ng bilangan sa mga presinto bago pa man ito maretoke ng mga opereytor ni Arroyo.
Sa Isabela, iniulat ng NDF-Northeastern Luzon na mismong pinuno ng Comelec na si Benjamin Abalos ang sinuhulan ng P200 milyon upang tiyaking maiuupo si Benjamin Dy bilang gubernador.
Ang pakana na patalsikin si Grace Padaca bilang gubernador ay nagmula mismo kay Arroyo. Sa kabila ng kalamangan ni Padaca, inaantala ng Comelec ang kanyang proklamasyon upang mabago pa ang resulta ng eleksyon doon.
Laganap at lantaran din ang pandaraya sa mga progresibong party-list na Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, Kabataan at Suara Bangsamoro. May naidokumento na silang 156 kaso ng mga pandaraya, maruruming maniobra at karahasan laban sa kanila sa Pampanga, Batangas, Quezon City, Albay, Camarines Sur at Norte, Maguindanao, Lanao del Sur, Sultan Kudarat, Zamboanga Sibugay at marami pang lugar.
Kabilang sa mga maniobrang ginawa sa Mindanao ang pagtatanggal sa election returns (ER) ng pahina para sa party-list; di pagbasa o pagtatala ng mga boto para sa mga progresibong partido at Genuine Opposition; pagpapahuli sa bilangan ng boto para sa party-list at mga senador upang lutuin na lamang pagkatapos; bentahan ng mga ER; at di pagbibigay ng kopya ng election returns para sa mga progresibong party-list at oposisyon at sa halip pagpapasa ng mga ito sa mga kakampi ng Malacañang.
Ang mga botong sistematikong kinakaltas sa mga progresibong partido ay idinaragdag naman sa mga pasista at mersenaryong grupong pakawala ng Malacañang at AFP, gaya ng ANAK, Agap, Aging Pinoy, AKSA, Apoy, ANAD, Bantay, Biyaheng Pinoy, Ahon Pinoy, Abono, Kasangga at Kakusa.
Walang dudang may milagrong ginagawa sa pangunguna sa talaan ng Comelec ng mga bagong grupong party-list tulad ng Abono at Biyaheng Pinoy.
Ang Abono na nagpapanggap na organisasyon ng mga magsasaka ay itinayo ni Speaker Jose de Venecia at ang Biyaheng Pinoy na nagpapanggap na organisasyon ng mga drayber ng traysikel ay itinayo ng nakatatandang kapatid ni Comelec Chairman Benjamin Abalos. Sa talaan ng Namfrel, nangunguna ang Gabriela Women's Party at Bayan Muna.
Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga biktima ng pagpaslang at iba pang karahasan kaugnay ng halalan. Nadagdag sa 157 nang napatay hanggang Mayo 14 ang dinukot at pinaslang na dalawang poll watcher ng Kabataan Party sa Camarines Norte; ang binaril na isang kasapi ng Bayan Muna at lider din ng isang lokal na kandidato sa Iloilo; ang asawa ng isang kandidato sa Abra na pinagbabaril ng poll watcher ng kalabang partido; at isang guro at isang poll watcher na nasawi nang sunugin ng mga elemento ng Calabarzon Regional Special Action Force ng Philippine National Police (PNP) ang isang paaralan sa Batangas.
Sa aktwal ay lumobo na nang anim na beses ang bilang ng mga kandidatong napatay at lumaki na nang apat na beses ang bilang ng mga armadong sagupaan kaugnay ng eleksyon mula 1995 hanggang sa kasalukuyan.
Mula noong 2001, ang halalang 2007 ang isa sa may pinakamalaking kabuuang bilang ng mga napapatay. Ibayong malaki pa ang bilang ng mga napatay sa halalang ito kung isasama pa ang mga pinaslang na mga lider at kasapi ng mga progresibong grupong party-list ilang buwan bago ang
eleksyon.
Bukod pa rito ang matinding militarisasyon, laluna sa mga komunidad sa kanayunan at kalunsuran kung saan malakas ang mga progresibong partido at oposisyon. Binabantaan ng militar ang mamamayan laban sa pagboto sa mga progresibong partidong party-list at pilit silang pinaboboto sa Bantay, ANAD, Uni-MAD, AKSA at iba pang partidong alaga ng Malacañang at AFP.
Sa maraming lugar, gaya ng La Union, hinaharang ang mga poll watcher ng mga progresibong partido at kahit nasa loob na ng mga presinto ay hinaharas pa ng mga sundalo at pulis. Sa ibang lugar, tahasan ang pagdedeklara ng failure of elections upang makapandaya pa.
Pilit na pinagtatakpan ng PNP at Comelec ang katotohanang ito. Ayon sa kanila, "sa kabuua'y mapayapa" ang nagdaang eleksyon at "walang naiulat na mga insidente ng pandaraya, maliban sa maliliit na kaso."
Para pagtakpan ang ginagawa ng mga militar at pulis na pagpapakasangkapan sa mga pulitiko sa pandarahas sa eleksyon, kara-karakang ibinintang ng hepe ng PNP sa Bagong Hukbong Bayan ang panununog sa eskwelahan sa Batangas na ikinamatay ng dalawa. Kalauna'y nabunyag na mga tauhan niya mismo ang itinuro ng mga saksi.
WALANG KAPANTAY ang pinakawalang salapi, maruruming taktika at pandarahas ng Malacañang nitong nagdaang eleksyon. Sa harap ng mahigpit na paglaban ng mga demokratikong pwersa, progresibong partido at oposisyon, ginamit ng pangkating Arroyo ang lahat ng kapangyarihan ng estado para hadlangan ang mga ito na makapwesto sa Kongreso at lokal na pamahalaan.
Subalit nagkakamali sina Arroyo at mga kasapakat niya sa pag-aakalang walang hanggan nilang mahahawakan ang poder. Sisingilin sila ng mamamayan sa malao't madali sa lahat ng mabibigat nilang krimen sa bayan.
Ang labis na pandaraya at pandarahas nitong nagdaang halalan ay lalo lamang gumagatong sa nag-aalab na galit ng mamamayan. Ang lahat ng ito'y nagtutulak sa mamamayan na mas patindihin at palawakin pa ang kanilang paglaban—sa parlamento, sa korte, sa lansangan at sa larangan ng armadong rebolusyonaryong pakikibaka.
Hindi titigil ang mamamayan hangga't hindi napatatalsik ang rehimeng Arroyo at napagbabayad ito nang mahal sa lahat ng krimen nito sa bayan.”
***********