Hinggil sa Pagkansela ng Visa ni USEC Bolante sa Amerika
Los Angeles – Kamakailan lamang nagulantang ang lahat ng arestuhin ng mga tuhan ng Imigrasyon ng Amerika si Jocelyn Bolante pagbaba nito sa paliparan ng Los Angeles. Diumano nakansela ang Visa nito at kung sino ang nagkansela ay isang naging bugtong na hindi masagot-sagot.
Para sa Pesante-USA parang isang telenobela, habang tumatagal mukhang lalong gumugulo ang usapin hinggil sa pagkansela ng Visa ni Usec Jocelyn “ Jocjoc” Bolante sa Amerika.
Una, sa kauna-unahang pagkakataon na nangyari ito sa Amerika. Kapwa nagpapabulaan ang gobyerno ng Pilipinas at ang Senado na siyang humahabol kay Bolante dahil sa di nito pagsipot nito sa mga pagdinig hinggil sa korupsyon sa pestisidyo na diumano’y ginamit na panuhol noong nakaraang eleksyon. Maging ang gobyerno ng Amerika at ang Embahada sa Pilipinas ay nanahimik hinggil dito.
Lalong dumami ang mga tanong ng tumanggi sa tulong ng konsulada ng Pilipinas ang nadetineng si Bolante at humingi ng pribadong pagdinig at abogado.
Lalo pang mapaypayan ang gulo ng dumating sa San Francisco ang kaibigan nitong matalik na si Mike Arroyo, ang asawa ng Presidente. Ito diumano ay para tulungan si Jocjoc.
May ilang nagsasabi na malamang tetestigo na si Bolante laban kay Arroyo kaya ito ipinadampot at iditine matapos kanselahin ang Visa.
May nagsasabi ring may kaayusan nang hihingi ito ng asilo (aylum) para huwag nang magbalik sa Pilipinas. Sa ganitong kaayusan, may nagsasabing ito ay isa na naman sa mga magarbong pakana ng Rehimng Arroyo.
Ngunit naglabas din ng sarili niyang teorya si Senador Lacson na ang pakay ng Amerika nang kanselahin nito ang visa ni Bolante ay imbestigahan ito hinggil sa mga korupsyon sa mga tulong agrikultura ng Amerika sa ilalim ng Public Law 480.
Mga Implikasyon ng Kaso ni Bolante
Naniniwala ang Pesante-USA na maaring totoo ang mga naihayag na mga dahilan na naunang natalakay natin sa itaas. May ilang implikasyon lamang ang bagay na ito sa relasyong US- Pilipinas.
Kung totoo na handa nang bumaligtad si Bolante ngunit pinahuli lamang ito ng gobyernong Arroyo sa Amerika, malamang ibig sabihin nito, malakas pa rin ang hatak ng Rehimeng Arroyo sa amo nitong kano. Kahit nga lumikha ito ng alingasngas, malaking bagay itong makakapagligtas sa rehimeng sa eskandalo lalo na kung magtutuloy ang kasong impeachment sa Kongreso.
Kung tama naman sina Lacson, maaring ang pag-ipit kay Bolante ay isang pressure na rin ng Amerika sa rehimen itong lalo pa itong magpatuta sa kanyang amo o di kaya ay paghahanda na rin para siya patalsikin.
Katulad ito ng mga kaso nina Aragoncillo at Aquino sa East Coast na ang numero uno pang tumutulong o umaalalay sa kanila ay ang gobyerno ng Pilipinas.
Lubhang nakapagtataka na ang mga nasasangkot sa mga kasong pangeespiya ay siya pang inaalalayan ng gobyerno gayong ang rehimen ay wala man lamang ni pabalat-bungang salita para sa kapakanang ng may 800,000 migranteng Pilipino sa U.S sa harap ng matinding debate hinggil sa batas ng imigrasyon.
Kung ang gobyernong Pilipino ay tunay na nagtataguyod ng soberanya nito, kung may sala si Bolante, dapat nitong hilingin sa Amerika ang agarang pagbabalik nito sa Pilipinas. Ngunit dahil may pinagtatakpan at sangkot mismo ang Pangulo sa kaso ng katiwalian, wala tayong maasahang mangyari ito.
Noong panahon ng ama ng Pangulo, si Diosado Macapagal nang imbestigahan ng gobyeno ang kasong smuggling ng isang Amerikanong si Harry Stonehill, kaagad itong ipinatapon ni Macapagal. Ngayon sa panahon ni Gloria, isang Pilipino naman ang nakansela ang visa sa Amerika at ngayon ay nakakulong sa pook bimbinan ng San Pedro sa Los Angeles.
Hindi ito gulong ng palad, ito ang sirkulo ng kawalanghiyaan ng isang angkang pampulitika na naging papet ng Imperyalismong US. Mula sa ama hanggang sa anak, iisang puno, iisang bunga!
*********************