imc indymedia

Los Angeles Indymedia : Activist News

About Us Contact Us Calendar Publish RSS
Features
• latest news
• best of news
• syndication
• commentary


KILLRADIO

VozMob

ABCF LA

A-Infos Radio

Indymedia On Air

Dope-X-Resistance-LA List

LAAMN List




IMC Network:

Original Cities

www.indymedia.org africa: ambazonia canarias estrecho / madiaq kenya nigeria south africa canada: hamilton london, ontario maritimes montreal ontario ottawa quebec thunder bay vancouver victoria windsor winnipeg east asia: burma jakarta japan korea manila qc europe: abruzzo alacant andorra antwerpen armenia athens austria barcelona belarus belgium belgrade bristol brussels bulgaria calabria croatia cyprus emilia-romagna estrecho / madiaq euskal herria galiza germany grenoble hungary ireland istanbul italy la plana liege liguria lille linksunten lombardia london madrid malta marseille nantes napoli netherlands nice northern england norway oost-vlaanderen paris/Île-de-france patras piemonte poland portugal roma romania russia saint-petersburg scotland sverige switzerland thessaloniki torun toscana toulouse ukraine united kingdom valencia latin america: argentina bolivia chiapas chile chile sur cmi brasil colombia ecuador mexico peru puerto rico qollasuyu rosario santiago tijuana uruguay valparaiso venezuela venezuela oceania: adelaide aotearoa brisbane burma darwin jakarta manila melbourne perth qc sydney south asia: india mumbai united states: arizona arkansas asheville atlanta austin baltimore big muddy binghamton boston buffalo charlottesville chicago cleveland colorado columbus dc hawaii houston hudson mohawk kansas city la madison maine miami michigan milwaukee minneapolis/st. paul new hampshire new jersey new mexico new orleans north carolina north texas nyc oklahoma philadelphia pittsburgh portland richmond rochester rogue valley saint louis san diego san francisco san francisco bay area santa barbara santa cruz, ca sarasota seattle tampa bay tennessee urbana-champaign vermont western mass worcester west asia: armenia beirut israel palestine process: fbi/legal updates mailing lists process & imc docs tech volunteer projects: print radio satellite tv video regions: oceania united states topics: biotech

Surviving Cities

www.indymedia.org africa: canada: quebec east asia: japan europe: athens barcelona belgium bristol brussels cyprus germany grenoble ireland istanbul lille linksunten nantes netherlands norway portugal united kingdom latin america: argentina cmi brasil rosario oceania: aotearoa united states: austin big muddy binghamton boston chicago columbus la michigan nyc portland rochester saint louis san diego san francisco bay area santa cruz, ca tennessee urbana-champaign worcester west asia: palestine process: fbi/legal updates process & imc docs projects: radio satellite tv

Rebolusyonaryong pagpupugay kay Navy Capt. Danilo "Ka Dan" Vizmanos

by Pesante-USA Thursday, Jul. 03, 2008 at 11:49 AM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0906 337 Glendale Blvd. Los Angeles, CA 90026

Nagpupugay ang buong rebolusyonaryong kilusan kay retired Capt. Danilo "Ka Dan" Vizmanos, masugid na anti-imperyalista at demokratang intelektwal, tapat na lingkod at aktibista para sa bayan, tunay na kawal at bayani ng rebolusyon at sambayanang Pilipino. Pumanaw si Ka Dan noong Hunyo 23 sa edad na 79 sa sakit na prostate cancer. Si Ka Dan ay nagsilbing maningning na halimbawa ng mga upisyal ng pasistang militar na tumatalikod at nagtatakwil sa imperyalismo, sa papet na reaksyunaryong estado at sa pasistang hukbo nito. Taos-puso niyang niyakap ang mga demokratiko at rebolusyonaryong simulain, lubusang pumanig sa rebolusyon at mamamayan, at puspusang lumahok sa kanilang pakikibaka. Huwaran siya sa katatagan sa prinsipyo, pagiging makatotohanan, masipag, pursigido, mapagkumbaba, at malapit sa mga kasama at sa mamamayan. Itinatanghal siya at pinararangalan ng sambayanang Pilipino.

Parangal sa Isang Makabayang Dating Opisyal Militar

Rebolusyonaryong pagpupugay kay Navy Capt. Danilo "Ka Dan" Vizmanos

Los Angeles-Nagpupugay ang buong rebolusyonaryong kilusan kay retired Capt. Danilo "Ka Dan" Vizmanos, masugid na anti-imperyalista at demokratang intelektwal, tapat na lingkod at aktibista para sa bayan, tunay na kawal at bayani ng rebolusyon at sambayanang Pilipino. Pumanaw si Ka Dan noong Hunyo 23 sa edad na 79 sa sakit na prostate cancer.

Rebolusdyonaryong Halimbawa

Si Ka Dan ay nagsilbing maningning na halimbawa ng mga upisyal ng pasistang militar na tumatalikod at nagtatakwil sa imperyalismo, sa papet na reaksyunaryong estado at sa pasistang hukbo nito. Taos-puso niyang niyakap ang mga demokratiko at rebolusyonaryong simulain, lubusang pumanig sa rebolusyon at mamamayan, at puspusang lumahok sa kanilang pakikibaka. Huwaran siya sa katatagan sa prinsipyo, pagiging makatotohanan, masipag, pursigido, mapagkumbaba, at malapit sa mga kasama at sa mamamayan. Itinatanghal siya at pinararangalan ng sambayanang Pilipino.

Kabilang si Ka Dan sa mga naunang upisyal ng reaksyunaryo at papet na Armed Forces of the Philippines (AFP) na bumagtas sa landas ng pagwaksi sa imperyalismo, burukratang kapitalismo, pyudalismo at pasismo, at tuluyang naging rebolusyonaryo at progresibong mandirigma ng kilusang masa.

Dumaan siya sa mga imperyalista at reaksyunaryong edukasyon at pagsasanay-militar at may panahong sumailalim sa mga turo nito. Makaraan ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig kung saan napabilang si Ka Dan sa ROTC-Hunters, isang pwersang gerilya ng mga kabataang lumaban sa mga mapanakop na pwersa ng Japan, nag-aral siya sa US Merchant Marine Academy sa Kingspoint, New York, USA.

Makabayang Opisyal Militar

Nang makapagtapos siya rito noong 1950, agad siyang kinomisyon ng rehimeng Quirino bilang upisyal ng Philippine Navy. Ibinubuhos ng reaksyunaryong estado noon ang kalakhan ng hukbo nito, kabilang ang pwersang nabal, laban sa mga natitirang pwersa ng Hukbong Mapagpalaya ng Bayan, kaya nakasama si Ka Dan sa mga "kontra-insureksyong operasyon."

Kahit nakapaloob si Ka Dan sa organisasyong pinakamasugid na nagtatanggol sa reaksyunaryong sistema, hindi naging makitid, mersenaryo, militarista at reaksyunaryo ang kanyang kaisipan at pagkilos. Kritikal siyang mag-isip, mapaghanap sa katotohanan, prinsipyado, matapat, mapagmahal, mapagmalasakit at mapaglingkod sa kapwa-tao at mamamayan. Galit siya sa kasinungalingan, katiwalian at pang-aapi, laluna sa mga karaniwan, mahihirap at inosenteng tao.

Sa loob ng 20 taong nasa loob siya ng papet at reaksyunaryong hukbo, tuwirang nasaksihan niya ang labis-labis na kabulukan, kalupitan at pagiging lubusang pasista at anti-mamamayan nito. Sa pamamagitan ng masugid na pag-aaral, naunawaan niya ang tunay na katangian ng reaksyunaryong militar bilang pangunahing makauring instrumento ng mga mapagsamantala at reaksyunaryong naghaharing uri sa panunupil sa mamamayan.

Bago pa lamang siya sa reaksyunaryo at papet na hubko, madalas na nilalaman ng mga sulat niya sa kanyang mga magulang kung paano siya namumuhi sa mga gawi ng mga sundalo ng gubyerno, habang naglulunsad umano ng mga "operasyong kontra-insureksyon," na palaging lango sa alak, walang pakundangan ang pagpapaputok araw at gabi, at malupit na nananakot sa mga sibilyan.

Sa lahat ng kanyang mga isinulat, personal mang mga liham o mga artikulo o libro, binatikos ni Ka Dan ang pagsahol ng mga bulok, pasista at anti-mamamayang gawi ng reaksyunaryo at papet na hukbo. Di siya nagsawang ilantad at iwaksi ang pasistang diktadurang Marcos at ang mga sumunod ritong rehimen at ang "todo-largang gera" ng mga ito laban sa mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan.

Nang maging isang upisyal ng Office of the Inspector General of the AFP at ipadala sa Vietnam noong kalagitnaan ng dekada 1960 para subaybayan ang pagkilos doon ng Philippine Civic Action Group (Philcag)--ang kontribusyon ng papet na gubyerno sa Pilipinas sa imperyalistang digmang mapanakop ng US doon--tuwiran ding nasaksihan ni Ka Dan ang malupit na pambobomba, pagpatay at pagpapahirap ng mga tropang Amerikano sa mga sibilyang Vietnamese, maging sa mga inosenteng bata. Ang mga ito'y ikinagalit niya nang lubos at nagbunsod ng malalim na pagtatanong sa panghihimasok ng US sa Vietnam, pati na sa Pilipinas at ibang bansa. Dala-dala niya ang kritikal na pananaw na ito pagbalik niya sa Pilipinas noong 1967.

Kritikal Mag-isip

Ang kritikal na pag-iisip ni Ka Dan tungkol sa relasyon ng mga bansa kalauna'y bumangga sa naghaharing uri at estado. Sa tesis niya para sa abanteng pag-aaral sa National Defense College noong 1970-71, inirekomenda niya ang pagbubuo ng malayang patakarang panlabas ng Pilipinas at ang pagbabasura sa RP-U.S. Military Bases Agreement at iba pang di pantay na kasunduang militar sa pagitan ng US at Pilipinas. Inirekomenda rin niya ang pagkilala at pagtatatag ng diplomatikong relasyon at pakikipagkalakalan sa People's Republic of China, na noo'y bumabagtas sa landas ng sosyalistang rebolusyon sa pamumuno ng Communist Party of China at ng tagapangulo nitong si Mao Zedong. Ang lahat ng ito ay lubusang di katanggap-tanggap noon para sa imperyalismo at mga reaksyunaryong naghaharing uri.

Naging sanhi ito ng matinding galit sa kanya ng rehimeng Marcos at buong pamunuan ng AFP. Bagamat nakaabot pa siya sa ranggong Navy Captain (katumbas ng koronel sa Army) noong 1971, ang kanyang kontrobersyal na tesis ay naging balakid sa pag-angat pa niya sa AFP at pumigil sa promosyon niya bilang heneral.

Nakaabot sa t mga progresibong pwersa ang kontrobersyang ito. Ang mga kasama ay nakipag-ugnayan at nakipagpalitan ng mga ideya sa kanya. Mabilis na nabuo ang maraming kaisahan sa nilalaman ng kanyang tesis at sa marami pang usapin sa estado, reaksyunaryong hukbo at lipunan. Sa proseso, naging malapit sa kanya ang ilang kasama at tuluy-tuloy ang naging palitan nila ng mga rebolusyonaryong ideya. Nag-ibayo ang kanyang kamulatan, dedikasyon at kapangahasan sa pakikibaka sa pagyaman ng mga pag-aaral niya sa rebolusyonaryong teorya, pagsanib sa mga rebolusyonaryo at progresibong organisasyon. Ibayong tumibay ang kanyang determinasyon na maging isang mandirigma para sa pambansa-demokratikong kilusan at mamamayan.

Aktibistang Laban sa Batas Militar

Nang ideklara ni Ferdinand Marcos ang batas militar at itatag ang pasistang diktadurang paghahari noong 1972, tuluyan nang nagbitiw si Ka Dan sa AFP. Aniya, hindi na siya maaaring magsilbi rito matapos ito gawing isang pribadong hukbo ni Marcos. Gayunman, naipagpatuloy ni Ka Dan ang pag-ugnay sa mga kilala niyang progresibo, makabayan at maka-mamamayang upisyal ng AFP.

Matapang at di siya natinag sa pakikipaglaban para sa katarungan--anuman ang mga sagka, banta, panganib at panggigipit sa kanya. Nanatili siyang matatag nang arestuhin ng pasistang diktadurang Marcos noong 1974. Isinailalim siya sa matinding pagbabanta at tortyur, kabilang ang pagtuturok sa kanya ng "truth serum," at ikinulong nang dalawang taon sa Camp Crame, Fort Bonifacio at Camp Bagong Diwa na walang nakasampang kaso.

Sa loob ng kulungan, naging aktibo si Ka Dan sa organisasyon at kalahok sa lahat ng makabuluhang aktibidad ng mga detenidong pulitikal. Naging myembro siya ng namumunong konseho ng National Democratic Front sa loob ng kulungan.

Aktibista Para sa Pambansang at Sosyal na Pagpapalaya

Paglabas sa kulungan, nagpatuloy si Ka Dan sa kanyang aktibismo laban sa diktadurang US-Marcos at para sa pambansang kalayaan at demokrasya. Isa siya sa mga nag-organisa at namuno sa Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at para sa Amnestiya (SELDA). Pagkabagsak ng diktadurang Marcos noong 1986, lumahok si Ka Dan sa pagtatatag ng Partido ng Bayan (PnB). Tinanggap din niya noon bilang mahalagang natatanging tungkulin ang pagbubuo ng grupo ng mga nauugnayan na niya noong upisyal ng reaksyonaryong hukbo at paghimok sa mas marami pang iba na pumanig sa nakararaming inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan at tahakin ang makabayan, progresibo at rebolusyonaryong landas. Kabilang siya sa mga nagpursige sa pagsusulong ng pakikibaka ng mga biktima ng batas militar para makamit ang katarungan. Isa siya sa mga tumayong testigo noong 1992 sa mga pagdinig ng korte sa Hawaii na naglitis sa mga Marcos.

Kabilang din si Ka Dan sa pamunuan ng iba't ibang progresibo at patriyotikong samahang naitatag sa sumunod na mga taon. Nagsilbi siyang presidente ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at kagawad ng National Executive Committee at National Council nito. Naging kagawad rin siya ng Board of Directors ng Ibon Foundation, upisyal ng Philippines-Cuba Friendship Association at upisyal ng iba pang progresibong samahan.

Isa si Ka Dan sa pinakamasisipag na intelektwal na tumutol sa imperyalistang dominasyon at panghihimasok-militar ng US sa Pilipinas. Walang pagod siya sa pagkilos at pagpopropaganda laban sa Mutual Defense Treaty ng 1954, sa mga base militar ng US, sa Visiting Forces Agreement (VFA), sa Access and Cross-Servicing Agreement (ACSA), sa Status of Forces Agreement (SOFA), sa Joint US-Philippine Balikatan Exercises at iba pang mga anyo ng interbensyong militar ng US sa Pilipinas.

Noong nagdaang taon, napabilang din si Ka Dan sa mga nagpunyagi sa pagsasampa ng kaso sa Permanent People's Tribunal (PPT) sa The Hague, The Netherlands, laban kina George W. Bush, Gloria Arroyo at mga gubyernong pinamumunuan ng mga ito.

Hindi nanamlay ang kanyang paninindigan hanggang sa huling mga taon ng kanyang buhay. Madalas pa rin siyang nagsusulat ng kanyang mga progresibong ideya at pagsusuri sa maiinit na isyu at pangyayari sa bansa. Nitong mga nagdaang taon, naglabas siya ng tatlong mahahalagang libro: Through the Eye of the Storm, Martial Law Diary at A Matter of Conviction.

Ang kanyang mga libro at iba pang mga sulatin ay nagpapakita ng kanyang militanteng paninindigan laban sa imperyalismo, pasismo at kabulukan ng naghaharing sistema, at para sa tunay na pambansang kalayaan, demokrasya at panlipunang kaunlaran. Mahalagang maisalin sa Pilipino at iba pang mga lokal na wika at maparami ang mga ito para mabasa ng higit na nakararaming mamamayan.

Kaalinsabay ng paglalantad at pagbatikos sa mga pasistang gawi at katiwalian ng reaksyunaryong hukbo, patuloy din siya sa pag-ugnay sa mga upisyal at pwersang militar na progresibo o mapagkakatiwalaan at pagtukoy sa mga elementong maaari pang mahimok laban sa bulok na rehimeng US-Arroyo at sa pasistang pamunuan ng AFP.

Hinihikayat ng kilusanang mga upisyal at sundalo ng Armed Forces of the Philippines na bukas ang isip at damdamin na humalaw ng inspirasyon sa buhay ni Ka Dan at sa iba pang katulad niyang nagmula sa kanilang hanay na nanindigan sa panig ng sambayanang Pilipino. Tulad ni Ka Dan, ang kanilang paninindigan para sa prinsipyo at mamamayan, at ang kanilang pagtutol sa pasismo, katiwalian at iba pang kabulukan sa AFP ay magkakaroon lamang ng materyal na pwersa kung sila ay sasanib at makikibaka sa panig ng mamamayang Pilipino.

Lubos na pinahahalagahan ng rebolusyoaryong kilusan ang maraming ambag ni Ka Dan Vizmanos sa pagsusulong ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan, demokrasya at katarungan.

Di masasayang ang mga pamana ni Ka Dan. Ang kanyang mga ideya at payo ay palaging isasapuso habang nagmamartsa ang sambayanang Pilipino sa landas ng pakikibaka para wakasan ang imperyalistang paghahari at kamtin ang panlipunang paglaya.

Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!

Mabuhay si Ka Dan Vizmanos!

Mabuhay ang sambayanang Pilipino!

© 2000-2018 Los Angeles Independent Media Center. Unless otherwise stated by the author, all content is free for non-commercial reuse, reprint, and rebroadcast, on the net and elsewhere. Opinions are those of the contributors and are not necessarily endorsed by the Los Angeles Independent Media Center. Running sf-active v0.9.4 Disclaimer | Privacy