KATARUNGAN PAA KAY FR.CECILIO LUCERO NG SAMAR

by Pesante-USA Wednesday, Oct. 28, 2009 at 6:18 PM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0906

Nakiisa ang Pesante-USA sa pamilya at mga kaibigan ng pinaslang na tagapagtanggol ng karapatang-tao na si Fr. Cecilio Lucero nang gunitain ang ika-40 araw ng kanyang kamatayan nitong Oktubre 15. Si Fr. Lucero ay pinuno ng Human Rights Desk ng Social Action Center ng dyosesis ng Catarman at tagapangulo ng Task Force on Peace and Order ng Northern Samar Peace and Development Forum (NSPDF). Pinatay siya ng pasistang militar dahil sa matapang at tahasan niyang pagtuligsa sa mga paglabag sa karapatang-tao. May ilang pagkakataong tumulong siya sa pagsasampa o siya mismo ang nagsampa ng mga kaso laban sa militar. Bago siya barilin, malaon na siyang minamanmanan ng mga operatibang militar at paniktik ng pasistang estado.

KATARUNGAN PAA KAY F...
dsc_0423-1.jpg, image/jpeg, 3008x2000

PESANTE NEWS
Oktubre 27, 2009

Katarungan para kay Fr. Cecilio Lucero

Los Angeles-- Nakiisa ang Pesante-USA sa pamilya at mga kaibigan ng pinaslang na tagapagtanggol ng karapatang-tao na si Fr. Cecilio Lucero nang gunitain ang ika-40 araw ng kanyang kamatayan nitong Oktubre 15.

Si Fr. Lucero ay pinuno ng Human Rights Desk ng Social Action Center ng dyosesis ng Catarman at tagapangulo ng Task Force on Peace and Order ng Northern Samar Peace and Development Forum (NSPDF). Pinatay siya ng pasistang militar dahil sa matapang at tahasan niyang pagtuligsa sa mga paglabag sa karapatang-tao.

May ilang pagkakataong tumulong siya sa pagsasampa o siya mismo ang nagsampa ng mga kaso laban sa militar. Bago siya barilin, malaon na siyang minamanmanan ng mga operatibang militar at paniktik ng pasistang estado.

Pagpatay sa Ambus

Sa utos ng mga taong madalas niyang binabatikos, tinambangan si Fr. Lucero ng mga armadong salaring nakabonet at unipormeng militar mga alas-8:30 ng umaga noong Setyembre 6 sa San Jose, Northern Samar. Ang pagpatay sa kanya ay pinlano at isinakatuparan bilang malakihang operasyong militar.

Di kukulangin sa 30 operatibang militar ang sangkot sa buong operasyon para matiyak ang kanyang kamatayan. Limang operatiba ang nakaabang habang nakikipagkoordina sa mga sumusubaybay sa sasakyan ni Fr. Lucero ang nagpaputok ng kanilang mga armalayt habang nagmamaneho ang pari sa Sityo Fuente, Barangay Layuhan, San Jose, Northern Samar. Agad na napatay si Fr. Lucero. Nasugatan naman ang isa sa mga kasama niya sa sasakyan gayundin ang isang pasahero sa isang kalapit na dyip na tinamaan ng ligaw na bala.

Utos ni Gloria: Patayin si Lucero

Mismong si Gloria Arroyo ang may personal na pananagutan sa pagpaslang kay Fr. Lucero. Nang pasinayaan ni Arroyo ang Las Navas Bridge sa Northern Samar noong Hunyo 16, hayagan niyang binatikos si Fr. Lucero bilang "komunistang pari" sa harap ni Maj. Gen. Arthur Tabaquero, hepe ng 8th Infantry Division, at iba pang matataas na upisyal militar at sibilyan sa prubinsya. Sa gayo'y binasbasan ni Arroyo ang pagpatay sa aktibistang pari.

Ang karumal-dumal na pagpaslang ay nagpapatampok sa nagpapatuloy na kampanya ng panunupil at ekstrahudisyal na pamamaslang ng rehimeng Arroyo.

Madugong Rekord ng rehimeng US-Arroyo

Mula 2001 hanggang unang hati ng 2009, umabot na sa 1,110 magsasaka, manggagawa, tagapagtanggol ng karapatang-tao, estudyante, taong simbahan, mamamahayag at iba pang kritiko ng rehimeng Arroyo ang pinaslang ng mga armadong tauhan ng AFP.

Karamihan sa mga biktima ay kasapi ng mga patriyotiko, demokratiko at progresibong organisasyong masa na itinuturing na mga "kaaway ng estado" ng mga upisyal na dogmatista ng AFP. Aktibong nilalabanan ng mga organisasyong ito ang pagpapakatuta at pasistang pandarahas ng rehimeng Arroyo. Kapwa sa parlamento at sa lansangan, mabisa nilang nailalantad ang kabulukan at kalupitan ng naghaharing rehimen at patuloy nilang inoorganisa at pinakikilos ang mamamayan sa mga kilos protesta at pakikibakang masa.

Ngayong taon lamang, mahigit 60 na ang pinaslang ng mga pasistang operatiba ng naghaharing rehimen. Binabalewala ni Arroyo at mga kampon niyang pasistang upisyal ang mga panawagan at rekomendasyon ng UN at iba pang internasyunal at pambansang organisasyon na tigilan na ang ekstrahudisyal na pamamaslang ng mga pwersang militar at panseguridad ng estado.

Malaon nang binabalewala ng mga pwersang ito ang mga karapatang-tao, at ibinibilang sa kanilang order of battle ang paparaming kritikong di armado at maging mga simpleng sibilyan.

Dadami pa ang mga ekstrahudisyal na pagpaslang habang nalalapit ang pagtatapos ng Oplan Bantay Laya 2 at lalong nagiging desperado ang militar na pagtakpan ang mga kabiguan nito. Si Arroyo at ang kanyang mga kampong militar at panseguridad ay desperadong bumabaling sa marahas na panunupil habang nagpapakanang mangunyapit sa kapangyarihan.

Para sa Pesante, habang sumasahol ang pang-ekonomya at pampulitikang krisis ng naghaharing sistema, lalong nagiging malupit ang reaksyunaryong estado sa pagsupil sa mamamayang nakikibaka para isulong ang kanilang mga pambansa at demokratikong interes.

Subalit lalo pang titindi ang paglaban ng masa sa pasistang rehimeng US-Arroyo hanggang sa ito ay maibagsak.

******