Iligal na pang-aaresto at panggigipit mula Marso hanggang unang linggo ng Abril

by Pesante-USA Tuesday, Apr. 08, 2008 at 10:57 PM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0906 337 Glendale blvd. Los Angeles, ca 90026

Iligal na pang-aaresto at panggigipit ang tampok sa mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng Arroyo nitong nakaraang Marso 10 hanggang Abril 3.

Iligal na pang-aaresto at panggigipit mula Marso hanggang unang linggo ng Abril

Manila--- Iligal na pang-aaresto at panggigipit ang tampok sa mga paglabag sa karapatang-tao ng rehimeng Arroyo nitong nakaraang Marso 10 hanggang Abril 3.

Abril 3. Nakatanggap ng sunud-sunod na banta sa kanyang buhay si Redempto Ando, mamamahayag ng dyaryong Philippine Daily Inquirer na nakabase sa Palawan. Hinihinala ng biktima na may kaugnayan ito sa isang artikulong isinulat niya tungkol sa diumanong plano ng MacroAsia, isang kumpanya ng minang pag-aari ng malaking negosyanteng si Lucio Tan.

Isiniwalat niya na pinigilan ni Tan ang gubyerno na ideklara ang Mt. Mantalingahan bilang protektadong erya. Nasa Mt. Mantalingahan ang kahuli-hulihang kagubatan sa katimugan ng Palawan.

Marso 28. Kinundena ni Elizabeth Principe, detenidong konsultant ng National Democratic Front of the Philippines, ang rehimeng Arroyo dahil sa paggamit nito ng mga pekeng testigo upang pagtakpan ang mga iregularidad ng pagdukot sa kanya noong Nobyembre 2007. Aniya, ang mga dumukot sa kanya ay malalaki, maskulado at maliliksing lalaki at wala silang kasamang babae.

Hindi kabilang sa mga dumukot sa kanya ang huwad na testigo na iniharap ng rehimen sa Court of Appeals. Nagsampa rin ng writ of habeas corpus si Principe para sa asawa niyang si Leo Velasco na dinukot noong Pebrero 2007 sa Cagayan de Oro City.

Marso 24. Pinaiimbestigahan ng Pamalakaya sa Commission on Human Rights ang operasyong paniniktik ng AFP sa ilang bayan sa Laguna, laluna sa lugar na malapit sa Laguna Industrial Park. Inirereklamo nila ang isinasagawang pagbabahay-bahay, pagpapataw ng curfew at pagsubaybay sa mga militanteng lider sa naturang prubinsya.

Ayon sa Pamalakaya, tinutukoy at inililista ng mga sundalo ang mga pangalan mga residenteng kasapi ng Kilusang Mayo Uno, Kadamay at iba pang mga organisasyong pilit na iniuugnay ng Malacañang at AFP sa rebolusyonaryong kilusan.

Ang harasment ng militar sa mga organisasyong ito ay pinaniniwalaang may kinalaman sa paglaban ng naturang mga grupo sa malawakang demolisyon sa mga komunidad na saklaw ng proyektong NorthRail.

Marso 23. Inireklamo ng pamilya ni Muhammad Bani, 27, isang paring Muslim, ang pagtortyur ng militar sa kanya at sa kaibigan niyang si Al-Midzbar Bunajal, 24. Inaresto ng ISG at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sina Bani at Bunajal sa isla ng Boracay sa Aklan noong Marso 8 at inakusahang sangkot sa kasong pangingidnap sa Dos Palmas, Palawan noong 2001. Inaakusahan din silang myembro ng bandidong Abu Sayyaf.

Marso 22. Binaril ng gwardya ng Oceana Gold Philippines Inc. si Emilio Pumihic sa Didipio, Kasibu, Bayombong, Nueva Vizcaya habang inililigtas niya ang kapitbahay niyang si Samuel Bidang.

Nagsasagawa noon ng demolisyon ang kumpanya habang natutulog si Bidang sa kanyang bahay. Ang Oceana Gold ay isang Australyanong kumpanya sa pagmimina na binigyan ng rehimen ng karapatang magmina sa malawak na lupain sa Didipio. Malaon nang tinututulan ng mga residente ang operasyon nito.

Marso 20. Iligal na inaresto ng pinagsamang mga operatibang paniktik ng Intelligence Service of the AFP at pulisya sa Region 4A ang mag-asawang Jaime Soledad, 58, at Clarita Luego, 50, sa Camella Springville Subdivision, Molino, Bacoor, Cavite.

Walang hawak na mandamyento de aresto para sa mag-asawang Soledad ang mga umarestong pulis. Tatlong araw silang ipinailalim sa matinding interogasyon at pinagkaitan ng karapatang makita ng mga kamag-anak at magkaroon ng abugado.

Kinumpirma na lamang ng militar na hawak nila ang dalawa nang igiit ng isang reporter na nakita niya ang mag-asawa sa upisina ng hepe ng paniktik ng Region 4.

Dahil walang maisampang kaso, napilitan ang AFP at PNP na pakawalan si Luego ilang araw matapos sila inaresto. Sinampahan naman ng gawa-gawang kaso si Soledad kaugnay ng dalawang ambus ng Bagong Hukbong Bayan sa Leyte noon pang dekada 1990.

*************

Original: Iligal na pang-aaresto at panggigipit mula Marso hanggang unang linggo ng Abril