BUONG SIGASIG NA LABANAN ANG MGA PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO

by Alyansa Pilipinas/ AJLPP-USA Thursday, Apr. 19, 2007 at 12:18 PM
ajlpp_socal@yahoo.com 213-241-0906 337 Glendale Blvd. Los Angeles,CA 90026

Matinding kinokondena ng Alliance-Philippines (AJLPP) ang tumitinding mabangis na todo-gyera ng Rehimeng US-Arroyo laban sa mga mamayang Pilipino sa halos lahat ng dako ng Pilipinas. Muli, nanawagan ang AJLPP sa komunidad Pilipino Amerikano sa Estados Unidos at iba pang nasyunalidad na lalo pang paginayuihin ang kanilang pagtulong sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa kapayapaan at pambansang dignidad. Makakaasang mananatiling kaisa ng mamamayang Pilipino ng AJLPP para sa pagkilos tungo sa kapayapaan, pambansang kalayaan at katubusang panlipunan.

BUONG SIGASIG NA LABANAN ANG MGA PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO, MILITARISAYON AT PAPATINDING PASISMO SA PILIPINAS--AJLPP

Los Angeles- Matinding kinokondena ng Alliance-Philippines (AJLPP) ang tumitinding mabangis na todo-gyera ng Rehimeng US-Arroyo laban sa mga mamayang Pilipino sa halos lahat ng dako ng Pilipinas.

Sa dulong probinsya ng Cagayan, may limang lider magsasaka ang pinatay ng militar. Natagpuang patay sina Artuhur Orpilla at Dionisio Battad ng Baggao, Cagayan sa Lallo. Nauna ditto pinaslang ng AFP sina Joey Javier at dalawa pang lider ng KAGIMUNGAN, ang samahan ng mga magsasaka sa Cagayan.

Kamakailan lamang, sa isla ng Panay, probinsya ng Iloilo, pagdukot at tangkang pagpatay sa mga lider aktibista ang hambalos ng military sa masa. Dinukot ng military ang lider ng BAYAN- Panay Nilo Arado at si Luisa-Posa-Dominado ng SELDA at ANAKPAWIS, Binaril at iniwan sa pagaakalang patay na ng mga militar si Jose Ely Garachucio ang Chairman ng KARAPATAN-Panay noong Abril 12.

Sa unang tatlong buwan pa lamang ng taong 2007, mahigit 12 aktibista mula sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas ang pinaniniwalang dinukot at magpahanggang ngayon ay nawawala at pinaniniwalang pinatay na o kasalukuyang pinahihirapan ng mga militar sa kanilang mga safe-house. Kabilang na dito ang ilang consultant ng NDF tulad ni Leo Velasco na dinakip ng AFP sa Cagayan De Oro City noong Marso 19.

Dahil dito may mahigit na 220 na ang nawawala dahil sa patakaran ng “pagdukot” ng AFP at ng PNP mula pa noong 2001. Umabot na rin sa 835 aktibista na ang pinatay ng mga “death squads” ng rehimeng US-Arroyo mula pa noong 2001.

Matinding Militarisasyon.

Ayon sa mga tala mula sa Pilipinas na sinusubaybayan ng AJLPP, lubos na nakababahala para sa alyansang ito na nakabase sa Estados Unidos at sa mga kasamahang organisasyong pangrapatang pantao, simbahan at iba pang grupong internasyulista ang lalo pang bumabangis ang pagsalakay ng rehimeng US-Arroyo sa masang Pilipino sa pagpasok ng 2007.

Ang gyera laban diumano sa terorismo sa Pilipinas ay nagdudulot ng ibayong hirap at sakit ng loob sa mga biktima at kamag-anak ng mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao.

Sa katimugang probinsya ng Sulu, mahigit 50,000 mamamayang Moro ang napalikas dahil sa operasyong military ng AFP at ng mga pwersang U.S laban sa diumano’y pwersa ng MNLF at ng Abu Sayaff. Lalo pang pinatindi ng Rehimeng US- Arroyo ang walang habas na militarisasyon sa Mindanao.

Sa Panabo City sa Davao Del Norte, walang habas na nagbobomba ang mga helicopter gunships at mga OV-10 bronco bombers ng AFP nang walang pagsasaalang-alang o kunsiderasyon man lamang sa mga sibilyan. Hinahabol nila diumano ang pwesa ng NPA na sumalakay sa Davao Penal Colony kamakailan lamang.

Samantala, sa silangang Samar, patuloy ang pagpapalikas ng 34IB ng armi ang mga baryo sa Giporlos . Mahigit na 500 magsasaka mula sa baryo ng Hukman, Giporlos ang nagsilikas.

Nito lamang nakaraang semana santa, walang patumangga rin ang operasyong militar ng 41Ib armi at PNP regional strike force habang nagpapatuloy ang kanilang walang habas na pambobomba ng mga helicopter gunships sa mga bayan ng Lacub, Baay-Licuan, Tineg, Bucloc, Daguioman, Boliney, Malibcong at Salappadan ng Abra sa Cordillera laban sa mga NPA.

Manindigan Para sa Kapayapaan at Katubusan

Patunay lamang na manhid na at walang pinakikingan ang Rehimeng-US Arroyo at nakikipagtagisan ito ng kawalanghiyaan sa nakaraang Diktadurang US-Marcos sa kanilang paglapastangan at pagyurak sa mga karapatang pantao.Ngunit habang nagiging mabangis ito lalo lamang nalalantad ang kanyang pasistang kaanyuan.

Ang tahasang pagtanggi ng Rehimeng US- Arroyo, pagigign palalo at sukab na kumilos laban sa kapayapaan at magsumigasis sa patuloy na militarisasyon ay lalo lamang magbubulid dito sa mapait na wakas at tuluyang pagbagsak.

Naninindigan ang AJLPP-USA sa pagtataguyod ng karapatang pantao at sa pagsusulong na muling masimulan ang prosesong pangkapayapaan para maugat ang mga dahilan ng gyera sibil sa Pilipinas.

Muli, nanawagan ang AJLPP sa komunidad Pilipino Amerikano sa Estados Unidos at iba pang nasyunalidad na lalo pang pagibayuhin ang kanilang pagtulong sa pakikibaka ng sambayanang Pilipino para sa kapayapaan at pambansang dignidad.

Makakaasang mananatiling kaisa ng mamamayang Pilipino ng AJLPP para sa pagkilos tungo sa kapayapaan, pambansang kalayaan at katubusang panlipunan.

***********