Gunitain ang Ika –21 taon ng Pag-aalsa ng Masa sa EDSA na Nagpatalsik sa Diktadura

by AJLPP-USA Sunday, Feb. 25, 2007 at 8:18 PM
ajlpp_socal@yahoo.com 213-241-0906 337 Glendale Blvd. Los Angeles, CA 90026

Ngunit ang pinatunayan ng EDSA, hindi dapat huminto ang masa sa paghahangad lamang ng pagbabago sa liderato o sa estrakturang pamlipunan. Ang simpleng pagapapalit ni Marcos at Aquino at Estrada tungo kayA rroyo ay di na dapat maulit pa! Upang ganap na mabago ang sistema, kailangan ang ganap at tunay na pagbabago sa sistemang sosyal upang makamit ng sambayanan ang tunay na reporma at pagbabagong sosyal. Dapat pa nating pag-ibayuhin ang pakikibaka, maging inspirasyon sa ating ang naganap na rebolusyon sa EDSA na kaya nating baguhin ang lipunang Pilipino gaano man ito katagal at kahit gaano kalaki man ang sakripsiyo na kailangan nating gawin. Tulad ng dati:

Pahayag ng AJLPP-USA

Gunitain ang Ika –21 taon ng Pag-aalsa ng Masa sa EDSA na Nagpatalsik sa Diktadurang US- Marcos, Pebrero 21-25, 1986

“Lumalaon bumubuti, sumasama kaysa dati!”

Ito ang malungkot na kasabihan ng komunidad ng mga Pilipino-Amerikano sa Estados at ng masang Pilipino sa Rebolusyong sa EDSA na naganap noong Pebrero 21-25, 1986 para sa mga tao at grupong umangkin sa pagpapabagsak ng diktadurang US-Marcos.

Dati-rati, sisidlan ng tuwa at karangalan sa mga Pilipino sa Amerika ang rebolusyong Pebrero o Rebolusyong EDSA. Ngunit ngayon, tulad sa Pilipinsa lumipas ito ng hindi man pinapansin o binibigyan ng pagdiriwang o pag-alala ng mga grupo at personalidad na umaangkin dito.

Maalalang sa loob ng limang araw, mula Perbero 21-25, 1986 , nang matuklasan at tinangkang iparesto ng diktador Marcos ang mga opisyal at sundalo na nagtangkang malunsad ng kudeta laban sa kanyang rehimen, sumambulat ang krisis pampulitika sa Pilipinas. Nauna dito tulad ni Gloria Macapagal-Arroyo garapalang nandaya sa idinaos na eleksyon ang diktador Marcos noong Pebrero 1986.

Nanawagan ang simbahang Katoliko na suportahan ng masa ang mga sundalo at opisyal na pinamumunuan nina Juan Ponce Enrile at General Fidel Ramos na nagkampo sa Camp Crame at Camp Aguinaldo sa EDSA. Halos limang milyong masa ang tumugon sa panawagang ito. Pinigil nila ang mga pwersang militar na armado ng mga tangke,atrilerya at mortar na nagtangkang pasukuin ang mga rebeldeng military.

Sa huli, bumaligtad ang mayorya sa mga tauhan ng AFP na sawa na kahayupan ng diktadura na sumupil sa loob ng madugong 14 na taon. Sa kahuli-hulihan, nagpasya ang Amerika na paalisan si Marcos at inilipad ito sa Hawaii . Mabilis na iniluklok ang bagong Presidenteng Corazon Aquino noong Pebrero 25, 1986 at idineklara ang pansamantalang gobyernong “rebolusyonaryo” hanggang sa magawa ang Konstitusyong 1987 at pagtibayin ito ng masa sa isang plebesito.

Naglaho ang Pag-asa ng Sambayanan Matapos ang EDSA 1986.

Lubhang umasa ang sambayanang Pilipino na magkakaroon ng makabuluhang pagbabago. Matapos mapatalsik ang diktadura, muling ibinalik ang dating kongreso ang ilang kalayaang pinigil ng diktador. Napalaya ang mga bilanggong pampulitka at nagkaroon ng 60 araw na tigil putukan at usapang pangkapayapapaan sa pagitan ng NDFP at GRP na nagresulta sa pagsupil sa militanteng rali ng mga magsasaka sa daan patungo sa palasyo ng Malacanang kung saan napatay ang 13 magsasaka at nasugatan ang may 150 iba pa.

Ngunit sa halip magkaroong kapayapaan, ubos lakas na umatake ng rehimen US-Aquino laban sa rebolusyonaryong kilusan. Mabilis na iwinasiwas ng AFP ang “ espada ng todo-gyera” at umatake sa mga baseng gerilya ng NPA at ng MILF/MNLF sa Mindanao sa ilalim ng OPLAN LAMBAT-BITAG na tumagal ng halos limang taon mula 1987 hanggang 1992.

Hindi na dapat pagtakhan na mawalan ng interes an masang Pilipino hinggil sa paggunita sa EDSA. Walang makabuluhang pagbabago na naganap. Walang reporma sa lupa na ipinatupad. Walang naparusahan ni isa mang mga berdugong military.

Ang kayamang ninakaw ni Marcos ay di naibalik sa bayan bagkus ito ay kinurakot ng mga nasa kapangyarihan. Pumasok sa mga kompromiso ang Rehimeng US-Aquino. Sa halip na parusahan tinangkilik ang mga maka-Marcos sa loob ng rehimen. Nang pumalit na si Heneral Ramos noong 1992 ay pinayagan pang maibalik ang pamilya Marcos kasama ang bangkay nito sa Pilipinas.

Mula noon, lalo pang nawalan ng halaga ang diwa ng EDSA dahil sa kinalakal na lamang ito ng mga grupo at personalidad na umangkin dito at ipinangalandakan na ito ay isang “mapayapang rebolusyon.”

Kahit dito sa Estados Unidos, ang mga opurtunistang grupong pampulitika tulad ng AKBAYAN at mga kasapakat nila ay nagmamalaking sa Pilipinas lamang nagkaroong dalawang mapayapang rebolusyon tulad ng EDSA. Sa ngayon, tahimik sila sa paggunita sa EDSA gayong halos sambahin nina Walden Bello at ibang lider ng KDP at FOPA sina Aquino at Ramos na gma tuta ng Imperyalismong US.

EDSA--Mga Pampulitikang Rebolusyon, Hindi Tunay at Ganap na Pagbabago

Dapat nating idiin sa ngayon na ang rebolusyong EDSA ay isang pamulitikang rebolusyon. Nagkaroon man ng pagbabago sa pulitika o sa paghahari hindi naman nabago ang estraktura ng sistema. Hindi ito panlipunang rebolusyon o rebolusyong sosyal. Pareho din ito ng EDSA Dos kung saan punalitan lamang ni Gloria Macapagal-Arroyo ang bulok na artistang si Joseph Estrada.

Mahalagang isaisip ang kahalagahan ng paggunita ay nasa loob ng kalagayang walang tigil ang pamamasista ng Rehimeng US-Arroyo at inilulunsad nito ang OPLAN BANTAY-LAYA II laban sa masang Pilipino. Ito ay garapal na pagpapakatuta sa imperyalistang Amerikano sa Todo Gyera nito laban sa “terorismo.”

Sa wari, bumalik tayo sa panahong Marcos na matindi ang batas military. Mahigit 834 ang pinatay, may 200 ang nawawala kabilang dito ang may 50 mamamahayag at iba pang prominenteng tao. Tulad ng panahong Marcos, tadtad ng mga retiradong military ang kabineteng Arroyo at lantaran ang pamamasista at karahasang military.

Ang malaking kabihan; sobrang garapal at ubod ng sinungaling ang Rehimeng-US Arroyo. Napakasimple para sa kanilang magsinungaling at mambaluktot ng katotohanan. Dahil dito sino pa ang maniniwala sa diwa ng EDSA, lalo na kung si Arroyo ang namahahala dito?

Ang Masa ang Tunay na Bayani.

Ngayong nalinaw natin ang katangian at esensya ng EDSA, dapat tayong magsumigasig sa pagkilos para sa tunay at makabuluhang panilipunang pagbabago sa Pilipinas.

Dapat nating unawain na ang EDSA ay isang taktikal na tagumpay ng sambayanan dahil sa tulong ng iba’t-ibang sektor lalo na maraming sakripisyo ng mga martir at ng sambayang Pilipino, napabagsak natin ang pasistang rehimeng Marcos. Isang mahalaga ngunit hindi lubos na hakbang sa panlipunang pagbabago.

Dapat nating muling idiin na ang ang masa, ang masa lamang ang tunay na bayani sa rebolusyong EDSA hindi ang mga pulitiko at mga rebeldeng militar tulad nina Gringo Honasan at iba a lalo na hindi ang balimbing na AFP na patuloy na nanunupil sa sambayanan magpahanggang ngayon.

Hindi rin dapat kalimutan na ang masang Pilipino ay lumaban sa diktadura sa loob ng mahigit na 14 na taon at naglunsad ng armadong pakikibaka. Ito rin ang nagpahina sa mapang-aping AFP lalo na sa Mindanao at iba pang larangan gerilya ng mga armadong pwersa ng mamamayang Moro at NPA. Ito ang madalas isantabi ng mga mapagpanggap na lider diumano ng EDSA at mga tagatangkilik nila tulad ng AKBAYAN sa Amerika na nagpapalabas na ang EDSA ay isang “mapayapang rebolusyon.”

Ngunit ang pinatunayan ng EDSA, hindi dapat huminto ang masa sa paghahangad lamang ng pagbabago sa liderato o sa estrakturang pamlipunan. Ang simpleng pagapapalit ni Marcos at Aquino at Estrada tungo kayA rroyo ay di na dapat maulit pa!

Upang ganap na mabago ang sistema, kailangan ang ganap at tunay na pagbabago sa sistemang sosyal upang makamit ng sambayanan ang tunay na reporma at pagbabagong sosyal.

Dapat pa nating pag-ibayuhin ang pakikibaka, maging inspirasyon sa ating ang naganap na rebolusyon sa EDSA na kaya nating baguhin ang lipunang Pilipino gaano man ito katagal at kahit gaano kalaki man ang sakripsiyo na kailangan nating gawin. Tulad ng dati:

MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT!

**********