by Pesante-USA
Friday, Sep. 12, 2008 at 10:22 AM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0906 337 Glendale Blvd. Los Angeles, CA 90026
Ang artikulong ito ay inillathala ng Pesante-USA upang itaguyod ang karapatan sa sariling pagpapasya ng mga mamamayang Moro sa Mindanao. Ito ay nalathala sa internet noong Set.7, 2008. Sa amin ang sariling salin at editing)
img_1078.jpg, image/jpeg, 2816x2112
KASAYSAYAN NG PANG-AAGAW NG LUPA SA MGA NINUNO NG MGA MAMAMAYANG MORO
( PAUNAWA sa publiko:
Ang artikulong ito ay inillathala ng Pesante-USA upang itaguyod ang karapatan sa sariling pagpapasya ng mga mamamayang Moro sa Mindanao. Ito ay nalathala sa internet noong Set.7, 2008. Sa amin ang sariling salin at editing)
Los Angeles---Hanggang nang magwakas ang kolonyalismong Espanyol sa pagtatapos ng ika-19 siglo, binubuo pa ng mga katutubong Moro ang di bababa sa 75% ng populasyon ng Mindanao. Patunay ito ng matagumpay na pagtatanggol ng mga Moro sa kanilang lupaing ninuno. Subalit mula nang sakupin ng kolonyalismong US ang Pilipinas, unti-unti silang napaatras at dumanas ng malalaking kabiguan. Ipinailalim sila sa kolonyal at neokolonyal na paghahari na nagtangkang lipulin ang kanilang lahi.
Bunga ng ipinataw na mga reaksyunaryong batas, panlilinlang at matinding gerang etnosidyo nitong nagdaang mahigit isandaang taon, wala pang 17% ng teritoryo ng Mindanao ang tinitirhan pa rin ng mga Moro, at kalakhan nito'y mga ilang at tigang na lupain sa malalayong kabundukan.
Mahigit 80% na ngayon ng mga Moro ang walang nabubungkal na lupa. Ang kanilang mga prubinsya at isla ang pinakamahihirap sa buong bansa.
Kolonyal na paghahari ng mga Amerikano, 1899-1946
Pagbalewala sa lupang ninuno. Nang sakupin ng US ang Pilipinas, kaagad nitong isinabatas ang Land Registration Act (LRA) para sa pagrerehistro ng mga lupain at pagbabayad ng buwis sa lupa.
Tahasang binalewala ng Public Land Act (PLA) 718 noong 1903 ang awtoridad sa lupa ng mga katutubong lider at sa halip ay isinailalim ito sa absolutong awtoridad ng kolonyal na estado. Sa ilalim ng PLA 926, anumang lupaing di inirehistro sa LRA ay ituturing na pampublikong lupain at isasailalim sa kolonyal na estado.
Ang Mining Law ng 1905 ay nagdeklarang lahat ng pampublikong lupain ay bukas sa eksplorasyon para sa pagmimina. Pinahintulutan nito ang dayong pag-aari at binigyang-daan na makapangamkam ang mga korporasyong Amerikano ng malalawak na lupain sa Mindanao, Cordillera at marami pang lugar sa bansa.
Kasabwat ng mga papet na upisyal, nakapangamkam ng malalawak na lupain ang mga dayong kapitalista at lokal na naghaharing uri gamit ang masalimuot na burukratikong prosesong nakasaad sa Cadastral Act (batas para sa pagmamapa ng mga lupain) ng 1907 at pagsusumite ng mga pekeng sarbey ng lupa.
Pagpapapasok ng mga setler at pagtaboy sa mga Moro. Mula sa panahon ng kolonyalismong US hanggang sa ilalim ng diktadurang Marcos, hinikayat ng mga reaksyunaryo ang pagpasok ng mga setler sa mga lupaing ninuno ng mga Moro at iba pang pambansang minorya. Ito ang ginamit na paraan para itaboy ang mga Moro, agawin ang kanilang mga lupain at wasakin ang pagkakaisa ng mamamayan. Itinuring itong "tanging mapagpasyang solusyon" sa nagpapatuloy na paghihimagsik ng mga Moro sa Mindanao.
Noong 1913, ipinwesto ng gubyernong kolonyal ang mga setler sa gitna ng mga lupaing ninuno ng mga Moro sa Cotabato, Lanao at Basilan. Inakit sa mga lugar na ito ang libu-libong setler para sa simula ay humalo sa mga Moro hanggang unti-unti nang masapawan at mapalitan ang mga ito.
Sa PLA 2254, nilimita sa maksimum na walong ektarya ang maaaring ariing lupa ng mga Moro habang 16 na ektarya naman ang maaaring ariin ng mga bagong setler. Sa PLA 2874, itinaas sa 10 ektarya ang maaaring ariin ng mga Moro habang itinaas sa 24 na ektarya ang para sa mga setler.
Sa tulak ng Quirino-Recto Colonization Act ng 1935, lalong pinadagsa ang mga setler sa Mindanao. Idineklara nitong espesyal na target ng pagtatayo ng higit pang mga kolonya ng mga setler ang Mindanao. Sa Commonwealth Act 141 ng 1936, ibayong nilimita sa apat na ektarya ang pwedeng ariin ng isang Moro, samantalang pinahintulutan ang mga setler na mag-ari ng hanggang 24 na ektarya. Ang mga korporasyong di pag-aari ng mga Moro ay pinahintulutan pang umangkin ng hanggang 1,024 ektarya.
Bilang paghahanda umano sa nagbabantang paglusob ng mga pwersang Hapon, inilabas ang Commonwealth Act 441 noong 1939 na nagbigay sa mga setler na nakapagkumpleto ng pagsasanay-militar ng prayoridad sa pamamahagi ng mga lupain. Pangunahing pinaburan ang mga nakapagsanay sa arnis o espada at sa gayo'y may kakayahang makipaglaban sa mga Moro na armado ng kris. Nagbukas ng tatlong karagdagang erya para sa mga setler sa Cotabato Valley at Koronadal Valley. Naglaan ang batas na ito ng tig-12 ektarya at suportang pinansyal na P7.5 milyon para sa 200 Kristyanong setler.
Sa ilalim ng papet na Republika, 1946 hanggang ngayon
Noong 1950, itinayo ng papet na estado ang Land Settlement Development Corporation na nangasiwa sa pamamahagi ng lupain sa 1,500 bagong setler. Pinalitan ito ng National Resettlement and Rehabilitation Administration (NARRA) noong 1954 na nakapamahagi ng lupain sa 20,500 katao hanggang 1963, pangunahin na sa Lanao at Cotabato. Sinaklaw din ang mga prubinsya ng Davao noong dekada 1950.
Noong 1980, pinangasiwaan ng Ministry of Agrarian Reform ang 23 pang mga bagong proyektong resettlement sa Mindanao na nakapamahagi ng mga lupain sa 22,639 bagong setler sa Mindanao at Sulu.
Pangangamkam ng mga dayong korporasyon at malaking panginoong maylupa. Higit pa sa mga ipinamahagi sa mga setler, malalawak na lupang ninuno ang kinamkam ng malalaking dayuhan at lokal na kapitalista.
Noong 1957, ang Firestone Tire and Rubber Company ay binigyan ng 1,000 ektaryang lupa para sa plantasyon ng rubber sa Makilala, Cotabato. Noong 1963, ang Dole Philippines ay nakaangkin ng malalawak na lupain para tamnan ng pinya sa Cotabato. Noong 1966, ang Weyerhaueser Corporation ay binigyan ng 72,000 ektaryang konsesyon para makapagtroso sa Mindanao.
Noong 1968, ang Boise Cascade Corporation ay nabigyan ng 42,000 ektaryang konsesyon para makapagtroso sa Mindanao.
Marami pang mga komprador at burukratang kapitalista ang nabiyayaan ng malalaking konsesyon para makapagtroso sa Mindanao, kabilang na ang Bislig Bay Lumber Company na nabigyan ng 141,000 ektarya sa Surigao. Malalawak na lupain din para sa pagtotroso, pagmimina at pagtatayo ng mga plantasyon ang ibinigay sa malalaking komprador na pamilyang Sarmiento, Magsaysay, Soriano, Cojuangco, Puyat, Alcantara, Ayala, Floirendo, Yuchengco, Elizalde at Roces.
Ang pamilyang Piñol ay nakapangamkam ng mahigit 2,500 ektarya ng lupang ninuno ng mga Moro at Lumad na ginawang plantasyon ng rubber, kalakhan sa North Cotabato. Bilang panlaban sa mga pambansang minoryang inagawan nila ng lupa, ang mga Piñol at iba pang mangangamkam ng lupa ay nagtayo ng mga armadong grupong panatiko tulad ng Ilaga para magsilbing pribadong hukbo.
Ang pangkating Pinol ang nangangasiwa ng grupong ILAGA sa Mindanao na patuloy na naghahasik ng terorismo at lagim laban sa mga mamaayang Moro sa Mindanao. KAsabwat ito ng AFP at ng imperyalsimong US sa pangaapi sa mga Moro at sa mga mamamayang Pilipino.
***********