REBOLUSYONG AGRARYO , SAGOT SA ANTI- MAGSASAKANG CARP/ HUWAD NA REPORMA SA LUPA

by Pesante-USA Thursday, Jun. 12, 2008 at 8:02 AM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0906 337 Glendale Blvd. Los Angeles, CA 90026

ng plano ng rehimeng US-Arroyo na palawigin pa nang limang taon ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay taliwas sa pagsusulong ng interes ng masang magsasakang matagal nang naghahangad ng tunay na reporma sa lupa. Walang ibang layunin dito ang rehimeng US-Arroyo kundi ang patuloy na linlangin at apihin ang masang magsasaka at ibulsa ang malaking pondo nito. Tulad ng lahat ng nagdaang programa sa reporma sa lupa ng reaksyunaryong estado, ang CARP ay huwad at walang tunay na kaugnayan sa repormang agraryo. Nagsilbi lamang ito para lalong pagtibayin ang monopolyong kontrol ng mga lupain sa bansa, at ibukas ang mga ito sa mga dayuhan alinsunod sa imperyalistang patakarang "globalisasyon."

REBOLUSYONG AGRARYO ...
img_1023.jpgnfun6s.jpg, image/jpeg, 2816x2112

REBOLUSYONG AGRARYO , SAGOT SA ANTI- MAGSASAKANG CARP/ HUWAD NA REPORMA SA LUPA NG US-ARROYO

Manila-- Ang plano ng rehimeng US-Arroyo na palawigin pa nang limang taon ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ay taliwas sa pagsusulong ng interes ng masang magsasakang matagal nang naghahangad ng tunay na reporma sa lupa. Walang ibang layunin dito ang rehimeng US-Arroyo kundi ang patuloy na linlangin at apihin ang masang magsasaka at ibulsa ang malaking pondo nito.

Tulad ng lahat ng nagdaang programa sa reporma sa lupa ng reaksyunaryong estado, ang CARP ay huwad at walang tunay na kaugnayan sa repormang agraryo. Nagsilbi lamang ito para lalong pagtibayin ang monopolyong kontrol ng mga lupain sa bansa, at ibukas ang mga ito sa mga dayuhan alinsunod sa imperyalistang patakarang "globalisasyon."

Nitong mga nagdaang taon, ang pondo ng CARP ang naging isa sa mga naging pinakamalalaking palabigasan ng mga burukrata-kapitalistang nakapwesto sa poder.

Napakalaking kasinungalinan ang ipinagmamalaki ng Department of Agrarian Reform (DAR) na sa pamamagitan ng CARP ay naipamahagi na sa mga magsasaka ang 80% ng mga lupang agrikultural. Ang malawak na mayorya ng mga magsasaka ay nananatiling wala o kulang sa lupang masasaka at biktima ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal.

Upang maiwasan ang tunay na pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, iba't ibang pakana ang ginamit ng mga panginoong maylupa sa ngalan ng CARP.

Kabilang dito ang paghahati-hati ng malalaking lupain sa maliliit na parsela, pamamahagi ng lupa sa mga bogus na benepisyaryo sa pamamagitan ng Voluntary Land Transfer/Direct Payment Scheme, Leaseback/Buy-back Scheme, Crop Conversion/Land Conversion Scheme, Contract Grow-ing Scheme, Joint Venture Scheme, Cooperative Scheme, Corporative Scheme, Stock Distribution Option Scheme at iba pang katulad na iskema.

Malawakang Pangangamkam ng Lupa

Pinalala ng CARP ang malawakang pangangamkam ng lupa ng mga masasaka sa iba't ibang dako ng bansa. Lalo pang tumaas ang konsentrasyon ng mga lupain sa kamay ng mga luma at bagong panginoong maylupa at dumami ang magsasakang nawalan ng lupa.

Nasa kamay ngayon ng mga panginoong maylupa ang mahigit 80% ng tinatayang 13 milyong ektaryang lupaing agrikultural sa bansa, habang mahigit 80% ng mga magsasaka sa bansa ay walang sariling lupang binubungkal.

Ginamit din lamang ng Malacañang at mga alipures nito ang CARP para lalo pang magpakabundat. Kalakhan ng mahigit daan bilyon pisong badyet para sa CARP mula 1988 ay ninakaw lamang ng Malacañang at mga punong alipures nito.

Bukod rito, pinagpistahan nina Arroyo ang P27 bilyon mula sa mga nasekwester noong 2004 na nakaw na yaman ng mga Marcos na ayon sa batas ay nakalaan sa CARP. Pinaglalawayan pa nila ang malaking natitira pa rito. At sadyang di sila makuntento. Pinag-iinteresan ngayon nina Arroyo ang mahigit P100 bilyong badyet para sa limang taon pang pagpapalawig ng CARP.

Ang sigaw na wakasan na ang CARP ay kaakibat ng sigaw ng mga magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Itinataguyod at ipinaglalaban ito ng lahat ng mga rebolusyonaryong pwersa at mga demokratikong sektor sa hanay ng mamamayan.

Ipaglaban gn Tunay na Reporma sa Lupa

Bilang ambag sa demokratikong pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa, isinusulong ngayon ng mga progresibong kinatawan sa Kongreso ang pagsasabatas ng isang tunay na programa para sa reporma sa lupa (ang Genuine Agrarian Reform Program o GARP). Asahang ang pagsusulong ng GARP ay puspusang hahadlangan ng rehimeng Arroyo kasabwat ng mga panginoong maylupang naghahari sa Kongreso.

Rebolusyong agraryo ang susing solusyon ng rebolusyonaryong kilusan sa problema ng mga magsasaka sa kawalan o kasalatan ng lupang masasaka. Sa buong kasaysayan ng mga pakikibakang magsasaka sa Pilipinas, sa ganitong paraan lamang naipatutupad ang tunay na reporma sa lupa. Layon nitong palayain ang masang magsasaka mula sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala at pang-aapi.

Rebolusyong agraryo ang pangunahing nilalaman ng pambansa-demokratikong pakikibakang kasalukuyang isinusulong ng mga armadong rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas. Sa pamamagitan nito, napakikilos ang malawak na masang magsasaka bilang pangunahing pwersa ng rebolusyon at nabubuo ang rebolusyonaryong batayang alyansa ng proletaryado at uring magsasaka.

Sa mga sona at larangang gerilya sa buong bansa, isinasakatuparan ng rebolusyonaryong masang magsasaka ang iba't ibang antas ng programa para sa reporma sa lupa. Malawak ang pagpapatupad ng minimum na programa nito na kinabibilangan ng mga pakikibaka para antas-antas na ibaba ang upa sa lupa, pawiin ang usura, itaas ang sahod ng mga manggagawang bukid, kamtin ang makatarungang presyo sa mga produkto ng mga magsasaka, paunlarin ang iba't ibang anyo at antas ng kooperasyon at isulong ang produksyong agrikultural at iba't ibang programang sosyo-ekonomiko, pang-edukasyon at pangkultura para sa kagalingan at kaunlaran ng masang magsasaka.

Sa ilang lugar kung saan relatibong malakas na ang armadong rebolusyonaryong pwersa at mahina ang kaaway, may naipatutupad nang mga antas ng maksimum na programa ng reporma sa lupa. Sa mga lugar na ito, ang mga nababawing lupa mula sa mga despotikong panginoong maylupa at mga mangangamkam, gayundin ang mga tiwangwang at abandonadong lupain, ay libreng pinabubungkal at nagiging kapaki-pakinabang sa mga magsasaka sa ilalim ng tuwirang pangangasiwa ng kanilang kinapapaloobang mga kooperatibang agrikultural at mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Paparami ang mga ito habang lumalawak at sumusulong ang rebolusyonaryong kilusan at papalapit ang ganap na tagumpay.

Bunga ng pagsusulong ng tunay na reporma sa lupa at inihahatid nitong mga tagumpay, milyun-milyong magsasaka ang sumasapi sa mga rebolusyonaryong organisasyon at lumalahok sa mga rebolusyonaryong pakikibaka. Libu-libo sa mga pinakamahuhusay nilang elemento ang sumasapi sa hukbong bayan.

Sa patuloy na pag-abante ng rebolusyonaryong kilusan, ibayo pang kakalat ang apoy ng rebolusyong agraryo: hakbang-hakbang na wawasakin ang kapangyarihang pyudal at malapyudal sa kanayunan at antas-antas na isusulong ang digmang bayan sa buong bansa.