Balik-Tanaw sa pagtatanghal “Romansa ni Magno Rubio”

by Arturo Garcia Monday, Dec. 12, 2011 at 12:23 PM
agarcia@peoplescore.net 213-241-0995 1610 Beverly Blvd, Los Angeles, Ca 90026

Magaan ang dating ngunit mabigat at madamdamin ang palabas o dulang “Romansa ni Magno Rubio” na itinatanghal ngayon sa Los Angeles. Bagamat sa Ingles ko napanood ang pagtatanghal, napanatili nito ang damdaming Pilipino. Mapusok, galit ngunit romantikong makapapangyarihang pagsasalarawan ng kalagayan ng mga manggagawang-bukid ( farm workers) na Pilipino sa panahon ng kolonya pa ng Amerika ang Pilipinas . Ibinatay ang dula sa isang maikling kwento ni Carlos Bulusan.

Komentaryo

Balik-Tanaw sa pagtatanghal “Romansa ni Magno Rubio”

Ni Arturo P. Garcia

Magaan ang dating ngunit mabigat at madamdamin ang palabas o dulang “Romansa ni Magno Rubio” na itinatanghal ngayon sa Los Angeles.

Bagamat sa Ingles ko napanood ang pagtatanghal, napanatili nito ang damdaming Pilipino. Mapusok, galit ngunit romantikong makapapangyarihang pagsasalarawan ng kalagayan ng mga manggagawang-bukid ( farm workers) na Pilipino sa panahon ng kolonya pa ng Amerika ang Pilipinas . Ibinatay ang dula sa isang maikling kwento ni Carlos Bulusan.

Ang kalagayan nila noon hanggang sa pagpasok ng mga pagbabago sa panahong 1960’s ay maihahalintulad sa panahon ngayon 2011 na may halos 5 milyong Pilipino na naninirahan sa Amerika.halos 1.5 milyon sa mga ito ay walang papel o TNT.

Madamdamin ang pagsasalarawan at ipinakita ni Bernardo Bernado. Ang galing niya bilang isang direktor sa pagsasanib ng mga awitin, tula, larong eskrima at buhay na pagkilos ng mga mangagawang bukid sa panahon ng depresyon ay lubos na naipakita.

Mabilis ngunit makahulugan ang dula. Walang sinayang na panahon at ang mga awit at tula na isinangkap dito tulad ng isang magandang luto sa kusina, ay kompleto rekados! Kung mahina ang iyong loob, mapapaiyak ka. Kung ikaw naman ay mulat, magagalit kasabay ng iyong pagtawa.

Ang isang komentaryo lamang, kung idinagdag ang mga salitang Ilokano mas makapangyarihan pa sana ito. Dahil sa mga Ilokano ang mga unang manong sa kabukiran ng Amerika.

Buhay na buhay ito dahil kasangkot at larawan ito ng panahong ngayong nasa krisis ekonomiko ang Amerika. Kung noon ang pangungulila ay bakas sa mga kalalakihang Pilipino sa mga korporadong bukid ng California. palitan lamang ang bihis ng mga ito sa ngayon, na ang mga tao ay nakakotse at marangya dahil buo na ang komunidad Pilipino sa Amerika.,Ito pa rin ang larawang mabubuo sa gunita.

Laging napapanahon ang dula. Dahil kahit ngayon, kahit na sinasabi ng mga akademiko na “lipas na ang panahon ng imperyalismo” o “post modern na at wala na ang rasismo,” nagsusumigaw sa dula na hindi ito totoo at isang malaking kabalintunaan.

Ipinakita ni Bernardo ang pangkalahatang pantasya ng ilang Pilipinong lalaki na sambahin ang mga Amerikana o mga puting babae ( o birhen sa akala nila). Ngunit pinabulaanan ito ng mga mabikas na malalakin ( Ilokano sa salitang Macho o Oragon sa Bicolano) lalaking Pilipino at dinurog nila ang pantasya ni Magno Rubio sa dalawang salita: ‘Ligaw tingin, Kantot hangin!”

Gayunman, sa huli nanaig pa rin ang unibersal na katotohanan na kailangang harapin ang katotohanan gaano man ito sa kasakit. Na ang buhay ay kailangang magpatuloy.

Kahit na nagdurugo ang puso, kailangang mapakasakit para mabuhay ang pamilya, mapagpadala ng pera para masagot ang pangangailangan ng pamilya, makapag-aral para umunlad na kalakaran ng sambayanang Pilipino mula sa panahon ni Rizal hanggang sa ngayong may 12 milyong OFW na Pilipino/a na nasa labas ng bansa.

Tumpak ang sinabi ng isang aktor sa tanghalan sa “Magno Rubio: “ Ang mga makata ay dapat nasa mga bituin.”

Sagot ni Magno Rubio: “Siyang tunay, iyon ang aking dapat kalagayan.”

Kaya panoorin ang nalalabing dalawang araw ni “Magno Rubio sa Ford Theater ngayon at bukas.

Inyong namnamin ang tuwa at galak, lungkot at luha ng mga manggagawang bukid na Pilipino sa Amerika. Dahil sila ang hindi lamang nauna sa atin kundi sila ang mga pundador ng ating pamayanan sa Amerika!

**********