Mga warlord, inaruga ng mga rehimeng tuta ng Imperyalismong US

by Pesante-USA Sunday, Dec. 13, 2009 at 8:53 PM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0906 337 Glendale Blvd. Los Angeles, CA 90026

Matagal nang kilala ang angkang Ampatuan sa pagiging mababagsik na warlord. Subalit pinasahol pa ito ng naghaharing rehimeng Arroyo. Bago maganap ang madugong masaker sa Maguindanao, mahigpit na nakapailalim sa kapangyarihang pyudal-militar ng warlord na angkang Ampatuan ang prubinsyang ito at ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Mula pa noong dekada 1930, sa panahon ng tuwirang kolonyalismo ng US ay naghahari na sa mga bahaging iyon ng Mindanao ang angkan. Mahigpit silang nakikipagtulungan sa mga pwersang militar, paramilitar at pulisya ng sunud-sunod na papet na reaksyunaryong rehimen. Pinakabase ng pampulitikang kapangyarihan nila ang sangkatlo ng mga munisipalidad sa prubinsya ng Maguindanao.

Mga warlord, inaruga...
al__s_12-10-09_pix_005.jpg, image/jpeg, 1600x1200

PESANTE NEWS
Espesyal na Ulat (Special Report on Warlordism)
December 12, 2009

Mga warlord, inaruga ng mga rehimeng tuta ng Imperyalismong US


Los Angeles-- Matagal nang kilala ang angkang Ampatuan sa pagiging mababagsik na warlord. Subalit pinasahol pa ito ng naghaharing rehimeng Arroyo.

Bago maganap ang madugong masaker sa Maguindanao, mahigpit na nakapailalim sa kapangyarihang pyudal-militar ng warlord na angkang Ampatuan ang prubinsyang ito at ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Mula pa noong dekada 1930, sa panahon ng tuwirang kolonyalismo ng US ay naghahari na sa mga bahaging iyon ng Mindanao ang angkan. Mahigpit silang nakikipagtulungan sa mga pwersang militar, paramilitar at pulisya ng sunud-sunod na papet na reaksyunaryong rehimen. Pinakabase ng pampulitikang kapangyarihan nila ang sangkatlo ng mga munisipalidad sa prubinsya ng Maguindanao.

Madugong kasaysayan ng mga Ampatuan ng Cotabato

Ang kasalukuyang pinuno ng angkan, si Andal Ampatuan Sr. ay isa sa mga lokal na warlord na ginamit ng diktadurang Marcos sa kampanya laban sa Moro National Liberarion Front.

Pag-upo sa poder ng rehimeng Aquino, si Ampatuan Sr., na bise alkalde noon ng Maganoy (ngayo'y Shariff Aguak, kabisera ng Maguindanao) ay hinirang na OIC (officer-in-charge) bilang alkalde. Noong 1988 ay upisyal na nahalal siyang meyor.

Noong 2001, nang maghanap ang kaluluklok na rehimeng Arroyo ng maaaring isabak para maging gubernador ng Maguindanao laban sa nakaupong maka-MILF na gubernador na Zacaria Candao, si Ampatuan Sr. ang pinili. Sa tulong ng AFP, minaniobra ng Malacañang ang pagkapanalo ni Ampatuan. Nasa ikatlong termino na ngayon si Ampatuan Sr. bilang gubernador ng Maguindanao.

Pandaraya sa Eleksyong 2004/2007

Lumaki pang lalo ang kapangyarihan ng mga Ampatuan matapos ang eleksyong pampanguluhan ng 2004, kung saan nagsabwatan sina Comelec Commissioner Virgilio Garcillano (na nakilala sa mga teyp na "Hello, Garci") at mga Ampatuan para ibigay ang halos lahat ng boto ng prubinsya kay Arroyo.

Ang pekeng pangulo ay nagkamit ng may 200,000 boto sa Maguindanao samantalang ang popular na si Fernando Poe Jr. ay nakakuha lamang ng wala pang 60,000 boto. Sa tatlong bayan ng prubinsya, nagawa pa ng mga Ampatuan na palabasing wala ni isang botong nakuha si Poe. Pagkatapos nito, naghanda ng piging si Arroyo sa Malacañang para lamang sa mga Ampatuan.

Noon namang Setyembre 2005, bilang dagdag na gantimpala sa pagtulong ng mga Ampatuan na magkaroon ng isang milyong "lamang" kay Poe si Arroyo, niluto ng Malacañang ang paghawak ng mga Ampatuan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM) sa pamamagitan ng panganay na anak ni Ampatuan Sr. na ni Zaldy Ampatuan.

Sa eleksyon noong 2007, higit pang pinatunayan ng angkang ito ang kanilang kapangyarihan nang "maipanalo" nang 12-0 sa Maguindanao at marami pang lugar sa ARMM ang mga kandidato sa pagkasenador sa ilalim ng "Team Unity" ni Arroyo laban sa oposisyon.

Kapalit nito, binigyang-daan ng rehimen ang pagluluklok sa mga myembro ng angkang Ampatuan sa mga namumunong pwesto sa mga pamahalaang lokal, sa ARMM, sa Kongreso at maging sa gabinete ni Arroyo. Biniyayaan din sila ng rehimeng Arroyo ng malalaking subsidyo at suportang pinansyal, kabilang ang daan-daang milyong pondo para sa "malalaking proyektong konstruksyon" tulad ng kapitolyo at sports center. Higit sa lahat, tinustusan ng estado ang malaking pribadong hukbo at arsenal ng mga Ampatuan.

Militaristang Warlord

Bantog sa kasamaan ang pyudal at militaristang angkan at si Ampatuan Sr. mismo sa paggamit ng pwersa at dahas sa kanilang mga kalaban. Noong 1988, pinapatay niya ang pinakamahigpit niyang kalaban sa pagkameyor ng Maganoy bago pa mag-eleksyon. Noon namang 2002, isang taon matapos ang eleksyon, dalawang kamag-anak ni Candao ang ipinadukot ni Ampatuan Sr. at hindi pa natatagpuan hanggang ngayon.

Ang kanilang pribadong hukbo na dati'y mahigpit lamang na nakikipagsabwatan sa mga pwersang militar at pulisya ng reaksyunaryong estado ay ibayong pinalaki at inarmasan ng rehimeng Arroyo nang ikampanya nito ang maramihang pagtatayo at pag-aarmas ng mga pwersang paramilitar at pagpapailalim ng mga ito sa kapangyarihan ng mga lokal na upisyal.

Para rito, inilabas ni Arroyo noong Oktubre 2006 ang Executive Order (EO) 546 na nagbibigay-daan at nagpondo sa mga lokal na upisyal at pulisya na magtayo at mag-armas ng mga pwersa ng Special Civilian Armed Auxiliary (SCAA) bilang dagdag na pwersa laban sa mga kaaway ng estado. Sa pamamagitan nito ay binigyan ng rehimen ang mga warlord na kakampi nito ng lisensya para makapangibabaw sa mga kalaban sa pulitika at gumawa ng mga kabuktutan laban sa mamamayan.

Oplan Bantay-Laya

Pero ang pangunahing layunin nito'y magamit ang mga pwersang paramilitar ng mga warlord tulad ng mga Ampatuan para labanan ang rebolusyonaryong kilusan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bagong Hukbong Bayan (BHB) at gamiting dagdag na instrumento ng Oplan Bantay Laya.

Alinsunod ito sa kabuuang disensyo at mga iskema ng US na gamitin ang terorismo ng estado at walang pakundangang mga paglabag sa karapatang-tao sa iba't ibang antas laban sa rebolusyonaryong kilusan at iba pang oposisyon. Instrumento rito ang sariling mga operatiba ng US, mga pwersa ng papet ng estado at mga lokal na tirano tulad ng mga Ampatuan.

Makaraan ang tatlong taon, ibayong napalaki ng mga Ampatuan ang sariling hukbo tungong 500 hanggang 800 katao, kabilang na ang 200 pwersa ng SCAA, sa basbas ng rehimeng Arroyo at gamit ang pondo ng gubyerno. Bukod ito sa paggamit at pakikipagsabwatan pa rin nila sa mga lokal na pwersang militar at pulisya.

Di nakuntento sa mga lumang ripleng M14, karbin at Garand na dala ng mga SCAA, bumili pa at nakakuha ang mga Ampatuan ng mas moderno at mas malalakas na armas mula sa militar at pulisya. Kabilang sa mga natagpuan nito lamang Disyembre 4 sa mga taguan nila sa loob at paligid ng naglalakihan nilang mansyon, bodega, rantso at iba pang sikretong taguan ang mga armas tulad ng mga 60 mm mortar, recoilless rifle, M60, Ultimax, Heckler & Koch light support machine gun, kalibre .50 Barett sniper rifle, Belgian FAL at mahigit 200 iba pang malalakas na baril.

May mahigit 500,000 bala rin ang natagpuan. Labis-labis ang mga ito para armasan ang dalawang batalyon. Karamihan sa mga ito'y isinuplay ng reaksyunaryong militar at may mga tatak pang "DND Arsenal."

May mga nakatago pa silang mga armored personnel carrier na gamit lamang ng mga militar at pulisya ng gubyerno.

Di lamang nakikita ang mga gamit at gawing ito sa mga Ampatuan. Maging ang mga Mangudadatu na binira ng mga Ampatuan ay armadong warlord na angkan din. Sila naman ngayon ang inihahalili bilang mga lokal na pasistang galamay ng rehimeng Arroyo sa Maguindanao at mga karatig nito. Ito'y sa kalagayang sirang-sira na sa publiko ang mga Ampatuan dahil sa dami na ng malilinaw na ebidensya laban sa kanila at sa kahirapan na ng rehimeng isalba sila at ang buktot na relasyon nila ng rehimen.

Kabilang sa iba pang pyudal at militaristang mga warlord na kasalukuyang kakampi ng rehimeng Arroyo ang anti-Bangsamoro at kontra-rebolusyonaryong warlord na angkang Piñol ng North Cotabato na inengganyo ng rehimeng Arroyo na ibayong magpalakas at magpakawala ng pribadong hukbo nila laban sa MILF, Bagong Hukbong Bayan at iba pang "kaaway ng estado." Nariyan din ang mga Pineda sa Pampanga at mga Dy sa Isabela.

Bagamat tampok ang pagkalat ng mahigit 114,000 armas na hawak ng mga pyudal at militaristang warlord sa ARMM, marami ring mababagsik na warlord sa iba pang bahagi ng bansa, kapwa mga nasa kampong Arroyo at iba't ibang kampo ng mga reaksyunaryong pulitiko.

******