Panawagan sa Mamamayang Moro: Ipagpatuloy ang Diwang Mapanlaban, Biguin ang Atake ng USAR

by AJLPP Saturday, Sep. 06, 2008 at 9:33 AM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0995 337 Glendale Blvd. Los Angeles, CA 90026

Ngayon sa panahon ng Ramadan, hinihimok ng Moro Resistance and Liberation Organization ang mamamayang Moro na isabuhay ang ispiritu at panawagan ng Qur'an sa pagpapatupad ng tunay na kapayapaan at hustisya at paglaban sa pag-aapi at tiranya sa pamamagitan ng pag-igting ng pakikibaka para sa sariling pagpapasya at pagbigo sa atake ng rehimeng US-Arroyo.

 Panawagan sa Mamama...
don_white003.jpg, image/jpeg, 3540x2342

Moro Resistance and Liberation Organization nanawagan sa Mamamayang Moro: Ipagpatuloy ang Diwang Mapanlaban, Biguin ang Atake ng Rehimeng US-Arroyo!


Kasamang Mukhtar
Secretary-General
Moro Revolutionary and Liberation Organization
Setyembre 05, 2008

Assalaamu Alaikum. Ramadhan Al Mubarak!

Surah Al Baqarah Chapter 2:190: "You should only fight those who commit aggression against you and leave you no option but to fight. This war will be in the way of Allah Almighty i.e. for the protection of humanity from tyranny and oppression - but even in this war the limits of Law must not be transgressed, for such transgression is against the Laws of Allah."

Ngayon sa panahon ng Ramadan, hinihimok ng Moro Resistance and Liberation Organization ang mamamayang Moro na isabuhay ang ispiritu at panawagan ng Qur'an sa pagpapatupad ng tunay na kapayapaan at hustisya at paglaban sa pag-aapi at tiranya sa pamamagitan ng pag-igting ng pakikibaka para sa sariling pagpapasya at pagbigo sa atake ng rehimeng US-Arroyo.

Tuluyan na talagang inabandona ni Mrs. Gloria Macapagal-Arroyo ang usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno at ng Moro Islamic Liberation Front sa pamamagitan ng pagbuwag sa negotiating panel ng gubyerno.

Idiniklarang walang saysay na ang MILF ng rehimeng ito at tinutugis na parang karaniwang kriminal ang mga kumander ng MILF mula sa paglabas ng bounty hanggang sa pagsampa ng mga kaso sa lokal na korte. Ibinubulid ng kasalukuyang rehimeng ito ang MILF sa balangkas na "disarm, demobilize and rehabilitate" na ang pakahulugan lamang ay isuko ng MILF ang kanilang armas kasama ng kanilang mga lokal na mga Kumander katulad ni Ombra Kato at Kumander Bravo, bilang kondisyon sa muling pagbubukas ni Arroyo sa usaping pangkapayapaan.

Pinapakita na ng rehimeng ito ang pangil nito at mararanasan ng ordinaryong mamamayang Moro ang hagupit ng Oplan Bantay Laya singtulad sa pagtugis niya sa mga progresibo at rebolusyonaryong pwersa at sa New People' Army.

Lalong titindi pa ang mga atake ng pasistang rehimeng Arroyo sa hanay ng mamamayang Moro. Kung babasehan pa ang deklarasyon ng AFP at ng PNP na itutuloy nila ang mga opensibang militar sa buwan habang nag-aayuno ang buong mamamayang Moro.

Nararapat lamang na maging matatag ang paninindigan ng Moro Islamic Liberation Front sa usapin ng lupang ninuno. Nananatiling nasa kamay ng Bangsamoro ang kanilang mga lupain dahil na din sa ilang dekadang armadong pakikibaka ng mga rebolusyonaryong pwersa sa hanay ng Moro upang depensahan ang lupang ninuno. Ipinagkakasya sa maliliit na kalupaan sa Mindanao ang mga Moro gayundin ang mga Kristyano at Lumad, habang pinapanatili naman ang malalawak na lupain sa kamay ng mga panginoong maylupa at dayuhang mangangalakal.

Naniniwala ang MRLO na magiging makitid ang batayan ng mamamayang Moro kung ang MOA-AD at Bangsamoro Juridical Entity lamang ang pagbabatayan ng usaping sariling pagpapasya ng Bangsamoro dahil pinakikitid ng MOA-AD ang batayan ng historikal at kasalukuyang karapatan ng Bangsamoro sa lupang ninuno.

Itinatali ng MOA-AD ang MILF at buong mamamayang Moro sa isang kompromiso. Ang MOA-AD ay produkto mismo ng mga konsensus o konsesyon ng MILF sa usaping pangkapayapaan. Mula sa makompromisong balangkas na "earned sovereignty approach", walang katiyakan ang MILF na ibaba ng GRP ang balangkas ng Konstitusyon sa usaping pangkapayapaan,

At kahit pumayag na ang MILF na ikompromiso ang pakikibaka para sa independensya ng Bangsmoro, proseso at balangkas ng Konstitusyon pa rin ang ginamit na batayan ng rehimen upang hindi mapirmahan ang MOA-AD noong Agosto 5.

Bagama't naghihitsurang ibinigay ng rehimeng US-Arroyo sa MILF ang pagkontrol sa mga likas ng yaman sa loob ng lupang ninuno, madali naman nitong bawiin sa MILF sa mga kondisyon na inilatag niya sa MOA-AD tulad ng state of emergency at kung sakaling tangkain ng MILF na gamitin ang mga rekurso para atakehin ang sentral na gubyerno.

Masahol pa, nagbibigay puwang din ang MOA-AD para sa pagpasok ng mga dayuhang korporasyon sa pamamagitan ng mga joint missions na isasagawa ng BJE at tuwirang pakikipagsosyo para sa paggamit ng lupang ninuno. Maari itong gamitin ng rehimeng US upang buong-buo niyang makuha ang likas na yaman ng Mindanao, lalo na ang mga reserba ng langis sa Sulu Sea Basin at Liguasan Marsh.

Kaya't hinihimok ng MRLO ang MILF na patuloy na tahakin ang armadong pakikibaka at makipagkaisa sa iba pang pwersang rebolusyonaryo at patuloy na lumalaban sa pang-aatake ng rehimeng US-Arroyo.

Patuloy na ipaglaban ang mga lupang ninuno at suportahan ang mga kumander na nagsasagawa ng mga taktikal na opensiba laban sa Armed Forces of the Philippines at sa panghihimasok ng mga tropang Amerikano sa kanilang mga kampo at komunidad.

Ang Pakikibaka ng Bangsamoro para sa Sariling Pagpapasya at ang paghihiwalay niya sa sa semi-kolonyal na rehimeng ng US-Arroyo ay isang lehitimong karapatan. At mas nagiging lehitimo ang paggamit niya sa armadong pakikibaka upang madepensahan niya ang kanyang mamamayan laban sa mapang-aping rehimen na nandarambong sa kanyang likas ng yaman, nagsasamantala sa kanyang lakas paggawa at patuloy na mag-aapi sa kanyang mamamayan.

Hinihimok din ng MRLO ang malaking bilang ng Moro na bitawan na ang makitid na kaisipang ethnosentrismo, at Kristyanong sobenismo naman sa mga kapatid na Kristyano. Ito'y upang hindi magamit ng iilang warlord ang mga galit at di pagkakaintindihan ng mga Moro at Kristyano at Lumad para sa sarili nilang interes. Tanging ang mga panginoong maylupa tulad nila Pinol lamang ang makikinabang sa pag-igting ng sobenismo sa hanay ng mga Kristyano.

Nananawagan ang Moro Resistance and Liberation Organization sa lahat ng mamamayang Moro na sumapi sa MRLO at paigtingin ang pakikibaka para sa sariling pagpapasya sa balangkas ng pambansa-demokratikong pakikibaka.

Hangad din ng MRLO ang patuloy na pagsandig sa alyansang taktikal ng MILF sa National Democratic Front. Ang pagkilala ng pambansa-demokratikong kilusan sa karapatan sa sariling pagpapasya ng mamamayang Moro ang basehan din ng NDF kung bakit pumasok siya sa tactical alliance sa MILF.

Sabayang maglunsad ng mga taktikal na opensiba upang waksiin ang mga atakeng-militar ng rehimeng US-Arroyo at isagawa ang rebolusyonaryong agraryo sa pamayanang Moro upang maseguro na ang mga masang magsasakang Moro ang pangunahing makikinabang sa lupang ninuno ng Bangsamoro.

(sgd) Kasamang Omar Mukhtar
Pangkalahatang Kalihim
Moro Resistance and Liberation Organization