Sa pagtortyur at pagbimbin kay Kasamang Randy Malayao

by Pesante-USA Thursday, Jun. 19, 2008 at 11:56 AM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0906 337 Glendale Blvd. Los Angeles, CA 90026

Isang patunay muli ng pagiging berdugo at kriminal ng 5th Infantry Division ang nangyaring pagdukot, pagtortyur at patuloy na pagbimbin nila kay Kasamang Randy Malayao. Siya ay gumagampan bilang pampulitikang konsultant ng National Democratic Front-Cagayan Valley sa usapang pangkapayapaan nang di-makatwirang dakpin ng mga pinagsanib na ahente ng 5th Infantry Division at Criminal Investigation and Detection Group.

Isang kriminal na dibisyon ang 5th ID sa pagtortyur at pagbimbin kay Kasamang Randy Malayao

Salvador del Pueblo

Tagapagpahayag

National Democratic Front

Northeastern Luzon

Hunyo 11, 2008

Manila--- Isang patunay muli ng pagiging berdugo at kriminal ng 5th Infantry Division ang nangyaring pagdukot, pagtortyur at patuloy na pagbimbin nila kay Kasamang Randy Malayao. Siya ay gumagampan bilang pampulitikang konsultant ng National Democratic Front-Cagayan Valley sa usapang pangkapayapaan nang di-makatwirang dakpin ng mga pinagsanib na ahente ng 5th Infantry Division at Criminal Investigation and Detection Group.

Noong Mayo 15, 2008, puwersahang isinakay sa van ng mga sundalo si Kasamang Randy sa bisa ng isang arrest warrant sa di-umano'y partisipasyon niya sa mga aksyong militar ng New People's Army-Cagayan Valley.

Limang araw siyang incommunicado, pirming nakaposas, nakapiring ang mata, at dumanas ng iba't-ibang porma ng tortyur. Kabilang dito ang pambubugbog, pagbalot ng plastik bag sa kanyang ulo, pagkakabalot sa mainit na jaket at saka pagkatutok sa aircon. Ninakaw ng mga sundalo ang kanyang mga dalang personal na gamit at kagamitang elektroniko. Tuluy-tuloy siyang pinagbantaan sampu ng kanyang mga pamilya na papatayin ng mga militar.

Ngisi hanggang tenga ang pamunuan ng 5th ID sa anila'y isang tagumpay ng AFP sa pagkakadakip kay Kasamang Randy. Ihinarap siya sa isang press conference bilang kriminal at ayon kay Major General Dilodilo, malapit na nilang makamit ang target na punasin ang rebolusyonaryong kilusan.

Ngunit hindi sinasagot ng 5th ID ang pananagutan sa di-makataong pagtrato kay Kasamang Randy. Sa Internasyunal na Makataong Batas at sa mga Panuntunan ng Digmaan, at kahit sa reaksyunaryong batas na kanilang kunwa'y ipinagtatanggol, maliwanag na nilabag ng 5th ID ang lahat ng karapatang sibil at pulitikal ni Kasamang Randy.

Ngunit sadyang ganyan nga ang kalikasan ng bayaran at pasistang AFP. Sa ngalan ng todo-gera na dikta ng imperyalistang US, at siya ngayong sinusunod ng amo ng AFP na si Gloria Arroyo, walang karapatan ang mamamayan sa buhay, kabuhayan, sa aspetong pulitikal, ekonomiko, o kultural man. Inuubos ng estado ang said na ngang kaban ng bayan bilang panustos sa makahayup na gerang bumibiktima sa mahabang listahan ng mamamayang lumalaban, na binabansagan ng gobyerno bilang mga "kaaway."

Ano ang kasalanan ni Kasamang Randy na itinuturing na krimen ng 5th ID? Sumama siya sa mga pagkilos upang mapatalsik ang kinamumuhiang Dinastiyang Dy sa Isabela. Tumutol siya sa pangangamkam ng lupa mula sa mga magsasaka. Lumaban siya upang mabigyan ng solusyon ang gutom at karahasan ng mamamayan ng Cagayan Valley.

Sa iba't-ibang paraang pinanindigan niya bilang tama, isinulong niya ang mga pakikibakang antipyudal, anti-imperyalista at anti-pasista kasama ang malawak na masa ng rehiyon.

Kung itatabi ang mga gawaing ito sa pandarahas at pagpapahirap ng rehimeng US-Arroyo, pati ng kanyang mga alagad sa 5th ID, madaling makita na ang tunay na kriminal ay yaong nasa Malacanang at mga heneral sa kampo sa Upi, Isabela. Ang ginawa nilang pagdukot, pagpapahirap at patuloy na pagbimbin kay Kasamang Randy ang pinakabago lamang sa mahaba at madugong listahan nila ng paglabag sa karapatang pantao.

Nagkakamali ang 5th ID sa pag-aakalang mabubuhusan ng malamig na tubig ang naglalagablab nang galit ng mamamayan sa kanilang pagdukot kay Kasamang Randy. Lalo lamang lumilinaw kung sino ang tunay na matapang at nagsisilbi sa mamamayan—at sino ang mga duwag na nagtatago sa butso ng mga baril at pondong kinurakot mula sa kaban ng bayan.

Mabibigo ang Oplan Bantay Laya ng rehimeng Arroyo. Mabibigo ang kontra-mamamayang todo-gera ng AFP. Kaisa ng NDF-Cagayan Valley ang lumalawak na hanay ng mamamayan sa paggigiit na managot ang mga kriminal na militar ng 5th ID, na agad na palayain si Kasamang Randy Malayao at lahat ng bilanggong-pulitikal sa ilalim ng kasalukuyang rehimen.

Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!

Mabuhay ang digmang bayan!

Salvador del Pueblo

Tagapagpahayag

Original: Sa pagtortyur at pagbimbin kay Kasamang Randy Malayao