Malawakang Operasyong Militar sa Mindanao, Abusong Militar Iniulat

by Pesante-USA Tuesday, May. 13, 2008 at 10:08 PM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0906 337 Glendale Blvd. Los Angeles, CA 90026

Iniulat ng Pesante-USA ang napabalitang malawakang operasyong militar sa Sulu at Davao, malawakang pagpapalikas pambubugbog at iligal na pang-aaresto ang tampok sa mga paglabag sa karapatang-tao noong huling linggo ng Abril.

Malawakang Operasyong Militar sa Mindanao, Abusong Militar Iniulat

Los Angeles- Iniulat ng Pesante-USA ang napabalitang malawakang operasyong militar sa Sulu at Davao, malawakang pagpapalikas pambubugbog at iligal na pang-aaresto ang tampok sa mga paglabag sa karapatang-tao noong huling linggo ng Abril.

Abril 28. Tatlong sundalo, kabilang ang dalawang tinyente ang nambugbog kay Olpiano Santillan, 40, sa Payatas, Quezon City. Pawang mga elemento ng National Capital Region Command ng AFP ang tatlo at nakatalaga sa gawaing "civil-military operations" sa Payatas.

Nag-aaway sina Santillan at kanyang asawa nang mapadaan sila sa tatlong sundalong nag-iinuman sa harap ng barangay hall. Sinita sila ng tatlong sundalo at dinala si Olpiano sa loob ng barangay hall kung saan nakahimpil ang mga ito. Paulit-ulit na hinataw ng isang pirasong tabla sa likurang bahagi ng kanyang hita si Olpiano habang hinahawakan siya ng dalawang sundalo sa braso. Nagkapasa-pasa ang kanyang katawan matapos siya pagsusuntukin.

Abril 26. Arbitraryong inaresto at ikinulong ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Central Mindanao at Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) si Jeramil Benedicto, isang magsasaka.

Katatapos lamang ng seremonya ng kanyang kasal sa Cannery Village, Polomolok, South Cotabato nang sumalakay ang mga elemento ng CIDG at ISAFP. Inaresto si Benedicto dahil kasapi umano siya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa hangganan ng Saranggani at Davao del Sur. Walang ipinakitang warrant of arrest ang mga pulis.

Abril 29-30 .Noon ding huling linggo ng Abril. Daan-daang pamilyang Lumad ang lumikas mula sa kanilang mga tirahan dahil sa matinding militarisasyon sa mga hangganan ng New Bataan at Compostela sa Compostela Valley at Baganga sa Davao Oriental. Tumungo sila sa sentrong bayan at iba pang mga ligtas na barangay.

Nagsimulang salakayin ng 28th, 30th, 67th at 72nd IB sa ilalim ng kumand ng 1001st Bde ang tatlong bayan noong Abril 5. Si Brig. Gen. Carlos Holganza ang nangangasiwa sa brigada.

Bukod sa pwersahang pagpapalikas, nagdudulot ang operasyong militar ng marami pang kaso ng paglabag sa karapatang-tao tulad ng intimidasyon, panghaharas, food blockade, pagkakampo ng militar sa mga bahay at iba pang lugar ng mga sibilyan at paninira ng mga ari-arian. Maraming hayop na ang kinatay ng mga sundalo at pinutol ang mga puno, abaka at iba pang pananim.

Isang siyam na buwang gulang na sanggol na kabilang sa tribong Mandaya ang namatay sa isang evacuation center. Mahina ang katawan ng bata nang makarating sa sentrong bayan. Tumaas ang lagnat nito subalit hindi maipagamot dahil walang ospital sa lugar. May iba pang mga batang maysakit, lalupa't kulang ang pagkain sa mga evacuation center.

Abril 29-30. Samantala, di bababa sa 400 pamilya ang lumikas dahil sa pambobomba ng militar sa isang kampo ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Indanan, Sulu noong madaling araw ng Abril 30.

Abril 29 nang mag-umpisa ang operasyong military sa Sulu. Pansamantalang nagkakanlong ang mga sibilyan sa Sityo Talatak, Barangay Bato-bato. Tapos na ang operasyon subalit nangangamba pa rin ang mga residente na mauulit ang pambobomba.



Original: Malawakang Operasyong Militar sa Mindanao, Abusong Militar Iniulat