Konsultant ng NDFP, dinukot ng militar

by AJLPP Sunday, Dec. 09, 2007 at 7:06 PM
ajlpp_socal@yahoo.com 213-413-0995 1610 Beverly Blvd. Los Angeles, Ca 90026

Napabalita ngayon na diumano dinukot noong Nobyembre 28 ng mga elemento ng 5th ID ,Philippine Army (PA) si Elizabeth Principe, 56, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), matapos siya magpatsek-ap sa Quezon City.

Konsultant ng NDFP, dinukot ng militar

Los Angeles-- Napabalita ngayon na diumano dinukot noong Nobyembre 28 ng mga elemento ng 5th ID ,Philippine Army (PA) si Elizabeth Principe, 56, konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), matapos siya magpatsek-ap sa Quezon City.

Ayon sa kanyang salaysay, piniringan siya, pinosasan at sa loob ng 72 oras ay tuluy-tuloy na pinaringgan ng ingay. Ininteroga siya ng Intelligence Service Group sa himpilan ng Philippine Army sa Fort Bonifacio at pinagkaitan ng karapatang kumonsulta sa abugado.

Bukod sa iba pang kaso laban sa kanya, katawa-tawa ngayon siyang iniuugnay ng militar sa pagkilos na ginawa nina Sen. Antonio Trillanes at Gen. Danilo Lim noong Nobyembre 29 sa Makati City.

Binatikos ng NDFP ang pagkakadukot kay Principe at iginiit ang kanyang agarang paglaya. Anito, bilang konsultant ng NDFP, saklaw si Principe ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG), isang kasunduan ng gubyerno at ng NDFP na nagbibigay-proteksyon laban sa pag-aresto at surbeylans ng mga negosyador, konsultant at istap na sangkot sa usapang pangkapayapaan.

Militar Kinasuhan

Nagsampa na rin resolusyon sa Kongreso sina Rep. Satur Ocampo at Rep. Teddy Casiño para palayain si Principe bilang kagandahang-loob. Anila, hahawanin nito ang daan sa muling pagbubukas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at Gubyerno ng Republika ng Pilipinas.

Ani Principe, bagamat tutol ang militar, napilitan ang AFP na ilitaw siya noong Disyembre 1 para mailihis ang atensyon ng publiko sa lumalawak na panawagang magbitiw na si Gloria Arroyo. Aniya, ito ang dahilan kung bakit siya lamang sa 52 kataong inakusahan ng rebelyon ng Department of Justice ang inilitaw.

Si Principe ang pinakahuli sa mga konsultant ng NDFP na dinukot ng mga berdugo ng rehimeng US-Arroyo.

Bago ito, dinukot din noong Pebrero sa Cagayan de Oro City ang kanyang asawa na si Leo Velasco, kagawad ng Komite Sentral ng PKP at konsultant din ng NDFP. Dinukot naman noong 2006 ang iba pang konsultant na sina Prudencio Calubid at Rogelio Calubad kasama ng ilan nilang istap at iba pang mga sibilyan.

********

Original: Konsultant ng NDFP, dinukot ng militar