Pagpaslang kay Bishop Ramento, tanda ng kalupitan ng rehimeng Arroyo

Pagpaslang kay Bishop Ramento, tanda ng kalupitan ng rehimeng Arroyo

by Pesante-USA Monday, Oct. 23, 2006 at 5:10 PM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0906 337 Glendale Blvd. Los Angeles, CA 90026

Ang karumal-dumal na pagpaslang noong Oktubre 3 kay Bishop Alberto Ramento, makamasa at patriyotikong tagapangulo ng Supreme Council of Bishops ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) ay tanda ng pagtindi ng kalupitan ng rehimeng US-Arroyo sa kampanya nito ng pamamaslang sa mga kritiko nito at paghahasik ng lagim sa lumalabang mamamayan.

Editorial:

Pagpaslang kay Bishop Ramento, tanda ng kalupitan ng rehimeng Arroyo

Manila-- Ang karumal-dumal na pagpaslang noong Oktubre 3 kay Bishop Alberto Ramento, makamasa at patriyotikong tagapangulo ng Supreme Council of Bishops ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) ay tanda ng pagtindi ng kalupitan ng rehimeng US-Arroyo sa kampanya nito ng pamamaslang sa mga kritiko nito at paghahasik ng lagim sa lumalabang mamamayan.

Sa pagpaslang kay Bishop Ramento, ipinamalas ng rehimen na hindi ito nangingiming patayin maging ang matataas na lider-simbahan na pinagpipitaganan dahil sa pagiging masugid na aktibista para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya at puspusang pagtataguyod sa mga interes at karapatan ng mamamayan, laluna ng masang anakpawis.

Alam na alam ng rehimen na ang pagpatay kay Bishop Ramento ay maaaring lalong gumatong sa matindi nang galit ng malawak na mamamayan. Kaya gayon na lamang ang pag-iiskrip ng pagpatay sa obispo at pagtatakip ng kanilang pasistang krimen upang palabasing isa lamang itong ”simpleng kaso ng pagnanakaw at pagpatay na gawa ng isang karaniwang kriminal.”

Pero nagkakamali ang rehimen sa pag-aakalang basta na lamang lulunukin ng taumbayan ang santambak na mga kasinungalingang nilulubid ng Malakanyang at Philippine National Police (PNP) para ipilit ang iskrip nila.

Isang independyenteng fact-finding mission ang binuo ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, progresibong abugado, doktor at kinatawan ng simbahan ni Bishop Ramento para suriin ang mga datos at sirkumstansya ng pagpaslang sa obispo.

Matapos ang masusing pagsisiyasat, napasinungalingan ang mga resulta ng ”imbestigasyon” ng PNP sa kaso. Napatunayang planado at sadya ang pagpatay sa obispo, taliwas sa pinalalabas ng pulisya na siya’y sinaksak dahil lamang ”nanlaban siya sa mga taong nahuli niya sa aktong pagnanakaw sa kumbento.”

Animo’y pusang may pinaglaruang daga ang paglalarawan ng "fact-finding mission" sa pumatay sa obispo. Dalawang beses na sinaksak ng salarin si Bishop Ramento sa dibdib at likod habang natutulog pa ito. Pagkatapos ay buong kahayupang pinanood ng berdugo ang sugatang obispo habang gumagapang tungo sa pintuan at humihingi ng saklolo. Walang habag na pinaglaruan ng berdugo ang nag-aagaw-buhay na obispo at pinahirapan hanggang sa tuluyan nang malagutan ng hininga.

Pagbagsak ni Bishop Ramento ilang hakbang pagkalampas ng pintuan, muli pa siyang pinagsusugatan sa kanyang daliri at leeg para palabasing nanlaban ang biktima habang ninanakawan ito. Ngunit lumabas sa pagsisiyasat na wala ni gasgas sa katawan o mga bisig ang obispo, na siya sanang tanda kung nanlaban nga siya.

Hindi mapaniniwala ng PNP ang sinumang may hustong isip na pangkaraniwang panloloob lamang ang nangyari. Apat na pipitsuging magnanakaw umano ang pumasok sa kwarto ng obispo.

Palibhasa’y ang interes lamang ng PNP ay pagtakpan ang katotohanan, mala-milagro ang bilis nito sa ”paglutas” sa krimen. Agad umanong ”nahuli” ng PNP ang apat na ”magnanakaw” at ”nabawi” sa mga ito ang mga bagay na ”ninakaw”—ang singsing ng obispo at isang DVD player na nawala dalawang linggo pa bago ang pagpatay.

Di mapasusubalian na ang tunay na motibo sa likod ng pagpaslang sa obispo ay ang pagnanais ng pasistang rehimeng Arroyo na patahimikin ang isang kilala at impluwensyal na kritiko ng pambubusabos at pang-aapi sa mamamayan, laluna sa mahihirap.

Mariin ding tinuligsa ni Bishop Ramento ang mga pang-aabusong militar, pandaraya sa eleksyon, pakanang ”Cha-cha” at iba pang mga kasinungalingan at kalupitan ng rehimen. Isa sa mga pangunahin niyang ipinaglaban ay ang kaso ng mga welgista at mga pinatay at dinahas sa Hacienda Luisita. Kaya nga’t matagal na siyang isinailalim, kasama ang marami pang progresibong pari ng IFI at iba pang simbahan sa tuluy-tuloy na paniniktik at isinama sa "order of battle" ng militar at mga "death squad" nito.

Sa kabila nito, hindi siya kailanman natigatig at patuloy siyang kumilos para sa mamamayan.
Sa pilit na paghahabi pa ng iskrip para palabasing isang karaniwang krimen lamang ang pagpatay kay Bishop Ramento, inakala ng rehimen na mabubura nito ang kabuluhan ng naging buhay, mithiin at pakikibaka ng pinaslang na obispo.

Nagkakamali ang rehimen kung akala nito’y mabisang paraan ang gayon para makaiwas sa malawakang pagkundena sa loob at labas ng Pilipinas habang naipagpapatuloy ang kampanya ng pamamaslang at pagdukot sa mga aktibista at iba pang masusugid na kritiko.

Ang pagpaslang kay Bishop Ramento ay tanda ng sukdulang arogansya ni Gloria Arroyo. Tulad ng pinakapusakal na mga pasista ng kasaysayan, kung umasta siya’y tila wala nang hangganan ang kanyang kapangyarihan at kahit ano pang uri ng kalapastanganan ay maaari niyang balutan ng kasinungalingan, ipatanggap sa mamamayang Pilipino at palusutin sa pambansa at pandaigdigang opinyong publiko.

Labis na pagmamaliit at pangungutya ito sa kakayahan at determinasyon ng mamamayang Pilipino na alamin at ilantad ang katotohanang pilit na tinatakpan ng rehimen, biguin ang madugo nitong kampanya ng pamamaslang at panunupil, at kumilos para labanan ang kanyang paghahari hanggang maibagsak ito.

Sa katuus-tuusan, ang pagpaslang kay Bishop Ramento ay tanda ng lalim ng desperasyon ng bulok at pasistang rehimeng Arroyo na durugin ang lahat ng pwersang kumakalaban dito.

Katulad rin ito ng mga pagkakamaling pinagbayaran nang malaki ng pasistang diktador na si Marcos noon. Walang magiging pagkakaiba ang bigat ng husga at parusa ng mamamayan at kasaysayan sa brutal na paghahari ni Gloria Arroyo at mga karumal-dumal na krimen niya sa bayan.

Paliwanag: Hinalaw sa ANG BAYAN, pahayagan mg rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas, Oktubre 21, 2006

***************