Sa ika-6 na anibersaryo ng trahedya sa Payatas

by AJLPP-USA Wednesday, Jul. 12, 2006 at 6:45 AM
magsasakapil@hotmail.com 213-241-0906 337 Glendale Blvd. Los Angeles, CA 90026

Matapos ang anim na taon mula nang maganap ang malagim na trahedya dulot ng pagguho sa Payatas dumpsite noong Hulyo 10 2000, wala pa ring hustisyang nakakamit ang mga biktima ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY).

BALITA

Hulyo 10, 2006

Sa ika-6 na anibersaryo ng trahedya sa Payatas

Hustisya di pa rin nakakamit – KADAMAY


Matapos ang anim na taon mula nang maganap ang malagim na trahedya dulot ng pagguho sa Payatas dumpsite noong Hulyo 10 2000, wala pa ring hustisyang nakakamit ang mga biktima ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY).


Ayon kay Carmen "Nanay Mameng" Deunida, Tagapangulo ng KADAMAY, "Walang linaw pa rin ang katarungan para sa mga biktima na nabaon sa bundok ng basura anim na taon na ang nakakaraan. Tulad ng bangkang papel ng mga batang taga-Payatas noong unang State of the Nation Address (SONA), saglit lamang din pumalaot sa hinagap ng Pangulong Arroyo ang pangako sa mga biktima."


Ani Deunida, hindi rin diumano buong naipatupad ang memorandum of agreement (MOA) ng mga biktima sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung saan nakapaloob ang educational at livelihood assistance kasama ang pagpapadali sa kaso at kasiguruhan sa paninirahan ng mga biktima.

Sinabi ng lider-maralita na hanggang sa ngayon ay nakabimbin pa ang kasong kriminal laban sa mga kinauukulan sa Quezon City Regional Trial Court (RTC), "Bukod dito, bogus din ang pangakong pabahay dahil marami pa rin sa mga biktima ang walang maayos na relokasyon tulad sa Kasiglahan Village sa Erap City kung saan napadpad ang ilan sa mga pamilya ng mga biktima ng Payatas Tragedy."

Ayon pa kay Deunida, araw-araw ang trahedya para sa mga maralita sa gitna ng polisiya ng administrasyong Arroyo ng walang-tigil na demolisyon sa kabuhayan at paninirahan ng mga maralita dulot ng North Rail at South Rail Project.

Magkakaroon ng maikling programa at pag-aalay ng mga bulaklak para ipanawagan ang katarungan para sa mga biktima ngayong araw ang KADAMAY. ###